Diskurso PH
Translate the website into your language:

Kita ng PAGCOR bumagsak ng halos 50% matapos alisin ang online gambling links sa e-wallets

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-09-17 18:52:27 Kita ng PAGCOR bumagsak ng halos 50% matapos alisin ang online gambling links sa e-wallets

MANILA — Malaking pagbagsak ang naitala sa kita ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) makalipas lamang ang dalawang linggo mula nang alisin sa mga e-wallet platforms ang mga link para sa online gambling.


Sa pagdinig ng Senate Committee on Games and Amusement, iniulat ni Atty. Jessa Mariz Fernandez, Offshore Gaming Licensing Assistant Vice President ng PAGCOR, na bumaba ng tinatayang 40 hanggang 50 porsyento ang kita ng ahensya batay sa datos mula sa kanilang accounting records at Electronic Gaming Licensing Department.


Nilinaw ni Fernandez na hindi total ban ang nais ipatupad ng PAGCOR kundi mas mahigpit na regulasyon sa industriya, kasunod ng direktiba ni Chairman Alejandro Tengco.


Para kay Senador Erwin Tulfo, chairman ng komite, malinaw na patunay ang pagbagsak ng koleksiyon na may malaking epekto ang restriksyon laban sa online gambling, lalo na sa paggamit ng e-wallets sa mga transaksyon.


Gayunman, ibinunyag naman ni Senadora Risa Hontiveros na nagagamit pa rin ang ilang e-wallet platforms sa pagsusugal online. Ayon sa kanya, umaabot pa umano sa P500,000 kada transaksyon ang nailalabas at naipapasok sa pamamagitan ng mga platform na ito, taliwas sa limitasyon ng online banking na P50,000 lamang kada transfer.


Samantala, naglabas ng show cause order ang komite laban sa opisyal ng Meta Philippines matapos itong mabigong dumalo sa pagdinig. Sa liham na ipinadala kay Tulfo, sinabi ni Genixon David, public policy manager ng kumpanya, na nasa Singapore at Estados Unidos ang mga authorized representatives kaya hindi sila nakaharap sa Senado.


Gayunpaman, tiniyak ni David na nakahanda silang magsumite ng position paper at makipagpulong kay Tulfo. Subalit ikinagalit ito ng senador, na nagsabing tila “nagdidikta” ang kumpanya sa lehislatura. Nagbabala rin si Tulfo na maaaring ipatawag at ipakulong ang opisyal kung magpapatuloy ang hindi pagdalo sa imbestigasyon.