BDO, dumepensa laban sa viral posts hinggil sa umano’y unauthorized transactions
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-09-18 21:54:35
MANILA — Pinabulaanan ng BDO Unibank nitong Huwebes, Setyembre 18, 2025, ang mga pahayag sa social media ni Maria Jamila Cristiana Gonzales Berenguer na nagsasabing may “system compromise” at insider involvement umano sa mga hindi awtorisadong transaksyon sa kaniyang account.
Ayon sa opisyal na pahayag ng bangko, walang basehan ang mga alegasyon. Iginiit ng BDO na sa isang panayam sa media, mismong kliyente ang umaming nahawakan ng ibang tao ang kaniyang mobile device bago nangyari ang insidente.
Batay sa imbestigasyon ng fraud management unit (FMU) ng bangko, nagkaroon ng password reset noong Setyembre 14, kasunod ang device registration na nakumpirma sa pamamagitan ng one-time password (OTP) na ipinadala sa rehistradong mobile number ng kliyente. Idinagdag ng BDO na walang palitan ng mobile number na tumatanggap ng OTP at nakatanggap din ng login at registration alerts ang kliyente.
Naglabas din umano ng transaction alerts ang bangko noong Setyembre 15, anim na oras bago i-report ng kliyente sa BDO Hotline ang reklamo.
Binigyang-diin ng FMU na hindi nalagpasan ang transfer limits at nananatiling nakaipatupad ang mga security policy ng bangko. Nilinaw din na ang paggamit ng BDO Pay ay nangangailangan ng PIN o biometrics at hindi OTP; OTP ay kailangan lamang para sa device registration.
“Sa kabila ng mga pagsisikap ng bangko na makipag-ugnayan, tumanggi ang kliyente at patuloy na nagpo-post ng mga video na hindi tama ang impormasyon,” pahayag ng BDO.
Dagdag pa ng bangko, nananatiling ligtas ang kanilang sistema at walang ebidensya ng anumang breach o insider involvement.
Ang BDO ay regulated ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), at ang mga deposito ay insured ng Philippine Deposit Insurance Corporation (PDIC) hanggang P1 milyon bawat depositor.
Larawan mula sa BDO Facebook Page