Diskurso PH
Translate the website into your language:

DTI pinalawig ang deadline para sa E-Commerce Trustmark registration hanggang Disyembre 31

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-09-20 13:03:50 DTI pinalawig ang deadline para sa E-Commerce Trustmark registration hanggang Disyembre 31

MANILA – Pinalawig ng Department of Trade and Industry (DTI) ang deadline ng pagpaparehistro para sa E-Commerce Philippine Trustmark mula Setyembre 30 tungo sa Disyembre 31, 2025 upang bigyang-daan ang mas maraming micro, small, and medium enterprises (MSMEs) na makakuha ng naturang badge ng kredibilidad at tiwala.


Ayon kay Trade Secretary Cristina Roque, mahalaga ang Trustmark para sa pagpapatibay ng tiwala ng publiko sa online marketplace. “Hindi ito regulasyon para pahirapan ang negosyo. Sa halip, isa itong kasangkapan upang protektahan ang mga lehitimong negosyo laban sa mga scammer na sumisira sa kumpiyansa ng mamimili. Layunin natin na mas mapadali para sa publiko ang makilala at mapagkatiwalaan ang tunay na nagbebenta, habang nabibigyan ng mas maraming oras ang negosyante na palaguin ang kanilang kabuhayan,” pahayag ni Roque sa isang briefing nitong Biyernes sa Makati City.


Idinagdag pa ng kalihim na kabilang na sa mga unang nakakuha ng badge ang malalaking online platforms tulad ng TikTok, Lazada, at Shopee, at inaasahang madaragdagan pa ang bilang ng mga aplikante sa nalalapit na deadline. “Kadalasan, naghihintay ang ilan sa huling araw bago magkumpleto ng requirements o umaasa na maurong pa ang implementasyon. Pero malinaw na naninindigan ang DTI na dapat mayroon talagang Trustmark sa mga produktong binebenta online,” giit niya.


Batay sa ulat ni E-Commerce Bureau Officer-in-Charge Eryl Royce Nagtalon, nasa 10,057 negosyo na ang nagsumite ng aplikasyon hanggang Setyembre 19. Tinatayang nasa 1.2 hanggang 1.3 milyong MSMEs ang rehistrado sa bansa, ngunit kalahati lamang dito ang aktibong nasa online platforms. Sa datos, nasa 500,000 MSMEs ang lumipat na sa e-commerce, at maaari pang lumobo sa 900,000 dahil karamihan ay nagbebenta sa higit sa isang online shopping site.


Bagama’t malaking bilang ang dapat pang makahabol, naniniwala si Nagtalon na makabubuti para sa buong sistema ng e-commerce ang malawak na pagpapatupad ng Trustmark. “Ibig sabihin nito, mas maganda ang kumpetisyon, mas malusog ang e-commerce ecosystem,” aniya.


Mandato ang Trustmark sa ilalim ng Republic Act 11967 o Internet Transactions Act of 2023 at sa DTI Department Administrative Order 25-07. Ang mga aplikante ay kinakailangang magbayad ng PHP1,000 annual application fee, PHP100 web administration fee, at PHP30 documentary stamp tax. Gayunman, exempted sa unang taon ang mga nakarehistro bilang Barangay Micro Business Enterprise (BMBE) sa pagbabayad ng application at web administration fee.


Samantala, tiniyak ni DTI Assistant Secretary Marcus Valdez II na may layunin din ang hakbang na ito na tulungan ang maliliit na negosyo na lumago at umangat sa mas mataas na antas ng operasyon. “Kung mananatili silang maliit makalipas ang isang taon, nangangahulugang kailangang palakasin pa ng DTI ang ating Negosyo Centers upang mas matulungan silang lumago at makasabay sa kompetisyon,” paliwanag niya.


Sa kabila ng mga bayarin at proseso, nanindigan ang DTI na makakabuti sa parehong consumer at negosyo ang Trustmark dahil ito ang magsisilbing garantiya ng tiwala at proteksyon laban sa mga ilegal na online sellers at pekeng produkto.


Sa pag-extend ng deadline hanggang Disyembre 31, inaasahan ng kagawaran na mas marami pang MSMEs ang makahabol at makapagpasa ng aplikasyon, upang sa darating na 2026 ay mas pinalakas na tiwala at proteksyon ang maramdaman sa digital marketplace ng bansa.