Myanmar, niyanig ng malakas na lindol, naramdaman hanggang Bangkok
Ipinost noong 2025-03-28 16:55:10
Marso 28, 2025 — Isang malakas na lindol ang tumama sa Myanmar noong Biyernes, at naramdaman ang epekto nito hanggang Bangkok, Thailand, kung saan bumagsak ang isang gusali na kasalukuyang ginagawa, at na-trap ang hindi bababa sa 43 manggagawa.
Ayon sa Germany's GFZ for Geosciences, ang sentro ng lindol ay nasa Myanmar na may lalim na 10 kilometro (6.2 milya). Sinukat ng United States Geological Survey (USGS) ang lakas ng lindol sa 7.7 magnitude, na sinundan agad ng aftershock na 6.4 magnitude.
Nagdeklara ng state of emergency ang Thai Prime Minister sa Bangkok. Ayon sa mga saksi, malalakas na pagyanig ang nagdulot ng takot sa mga residente, kaya't nagsilabasan sila sa mga lansangan; may mga swimming pool pa raw na umapaw.
Bumagsak ang isang 30-palapag na government office building na under construction sa hilagang bahagi ng Bangkok dahil sa lindol. Ayon sa pulisya sa Associated Press (AP), 43 manggagawa ang na-trap, at kinumpirma rin ng AFP ang insidente.
"When I arrived to inspect the site, I heard people calling for help, saying help me (Nang dumating ako para inspeksyunin ang lugar, narinig ko ang mga tao na sumisigaw ng tulong, sinasabing tulungan n'yo ako)," sabi ni Worapat Sukthai, deputy police chief ng Bang Sue district, sa AFP. "We estimate that hundreds of people are injured, but we are still determining the number of casualties (Tinatayang daan-daang tao ang nasugatan, ngunit inaalam pa rin namin ang eksaktong bilang ng mga nasawi)."
Dahil dito, pansamantalang itinigil ang operasyon ng metro at light rail services sa Bangkok. Sinuspinde rin ng Thailand's stock exchange ang mga transaksyon.
Sa ibang bahagi ng Thailand, naramdaman ang pagyanig sa Chiang Mai. Ayon kay Duangjai, "I heard it and I was sleeping in the house, I ran as far as I could in my pyjamas out of the building (Narinig ko ito habang natutulog ako sa bahay, kaya tumakbo ako nang pinakamalayong kaya ko, suot ang aking pyjamas, palabas ng gusali)."
Sa Myanmar, matatagpuan ang epicenter 16 kilometro hilagang-kanluran ng Sagaing bandang 12:50 p.m. local time (0620 GMT/UTC), ayon sa USGS. Nabiyak ang mga kalsada, at napinsala ang mga gusali sa mga lungsod tulad ng Naypyidaw at Mandalay, base sa ulat ng AFP at mga saksi.
"We have started the search and going around Yangon to check for casualties and damage. So far, we have no information yet (Sinimulan na namin ang paghahanap at pag-ikot sa Yangon para tingnan ang mga nasugatan at pinsala. Sa ngayon, wala pa kaming impormasyong nakalap)," sabi ng isang opisyal mula sa Myanmar Fire Services Department sa Reuters.
Bukod sa Thailand, naramdaman din ang pagyanig sa Yunnan province sa southwest ng China, kung saan iniulat ng Beijing's quake agency ang lakas sa 7.9 magnitude. Sinabi ng Chinese Foreign Ministry na patuloy nilang binabantayan ang sitwasyon.
Sa India, inanunsyo ni Prime Minister Narendra Modi ang kahandaan nilang tumulong sa Myanmar at Thailand bilang tugon sa sakuna.
Larawan: Çağlar Oskay/Unsplash
