Kabaong ni Pope Francis, Sinarado, libing ng Santo-Papa dinagsa ng mga mga Pinuno para magbigay pugay
Ipinost noong 2025-04-26 16:31:40
Isinara ng mga kardinal ang kabaong ni Pope Francis sa isang pribadong seremonya sa St. Peter’s Basilica nitong Biyernes ng gabi, Abril 25, na pormal na nagtapos sa tatlong araw ng paglalantad ng kanyang labi sa publiko. Mahigit 250,000 katao ang dumalaw upang magbigay-pugay sa yumaong Santo Papa, na pumanaw noong Abril 21 sa edad na 88 dahil sa stroke at cardiac arrest.
Pinangunahan ni Cardinal Kevin Farrell, Camerlengo ng Holy Roman Church, ang seremonya ng pagselyo ng kabaong. Kasama sa ritwal ang pagbasa ng dokumentong naglalahad ng buhay at 12-taong pontificate ni Pope Francis, paglalagay ng mga barya mula sa kanyang pamumuno, at pagtakip ng puting tela sa kanyang mukha. Ang mga ito ay alinsunod sa kanyang hiling na gawing simple ang kanyang libing, na taliwas sa tradisyunal na tatlong kabaong na ginagamit sa mga naunang papa.
Sa kanyang huling habilin, nais ni Pope Francis na mailibing sa lupa sa Basilica of St. Mary Major sa Roma, sa halip na sa ilalim ng St. Peter’s Basilica. Ito ay sumasalamin sa kanyang kababaang-loob at debosyon sa Mahal na Ina, na madalas niyang dinadalaw sa nasabing simbahan bago at pagkatapos ng kanyang mga biyahe.
Ang kanyang libing ay inaasahang dadaluhan ng mga lider mula sa mahigit 150 bansa, kabilang sina U.S. President Donald Trump, French President Emmanuel Macron, at Ukrainian President Volodymyr Zelenskyy. Hindi dadalo sina Russian President Vladimir Putin at Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu.Kasama rin sa mga inimbitahan ang mga refugee, bilanggo, at mga taong walang tirahan, bilang pagkilala sa adbokasiya ni Pope Francis para sa mga nasa laylayan ng lipunan.
