Trump, tagumpay sa pagpasa ng $4.5 trilyon na bill — pero may kaakibat na pasakit

HULYO 4, 2025 — Ipinasa ng Congress ang $4.5 trilyong spending bill ni Pangulong Donald Trump nitong Huwebes ng gabi, na nagdulot ng malaking tagumpay para sa kanyang pangalawang termino. Subalit, humarap naman ito sa matinding pagtutol dahil sa malawakang pagbawas sa mga programa para sa kalusugan at pagkain. Naganap ang 218-214 na boto sa House matapos ang magdamag na pagsisikap ni Speaker Mike Johnson na pagkaisahin ang mga hesitant na Republican.
Nagdiwang si Trump bago ang kanyang July 4 rally sa Iowa, at tinawag ang bill bilang "the biggest bill of its kind ever signed" (ang pinakamalaking batas na tulad nito na naipasa), at nagsabing pasasabugin nito ang ekonomiya "into a rocket ship" (parang rocket na mabilis aangat).
Pero maaaring lumobo ang national deficit ng $3.4 trilyon sa loob ng isang dekada, at babala ng mga analyst, 17 milyong Amerikano ang mawawalan ng Medicaid. Magsasara ang mga rural hospital, at liliit ang mga food aid program — ang pinakamalaking pagbawas sa welfare mula noong 1960s.
Tinutupad ng bill ang pangako ni Trump sa kampanya: $4.5 trilyon sa extended tax breaks — na pakikinabangan ng mga korporasyon at mayayaman — kasabay ng dagdag na pondo para sa militar at mass deportations.
Tinuligsa ito ng mga Democrat bilang pabor lang sa mayayaman.
"This bill, this one big, ugly bill — this reckless Republican budget, this disgusting abomination — is not about improving the quality of life of the American people," pahayag ni House Minority Leader Hakeem Jeffries, na nagpadelay ng boto sa siyam na oras na talumpati.
(Ang batas na ito, isang malaki at pangit na batas — itong walang-pakundangang Republican budget, isang kasuklam-suklam na bagay — hindi ito para sa ikabubuti ng buhay ng mga Amerikano.)
"It's not only reckless — it's cruel," dagdag ni dating Pangulong Joe Biden.
(Hindi lang ito walang-pakundangan — malupit pa.)
Aminado si Johnson sa mga depekto ng bill: "Everything was an absolute disaster under the Biden-Harris radical regime, and we took the best effort that we could, in one big, beautiful bill, to fix as much of it as we could."
(Gulo talaga ang nangyari sa ilalim ng radikal na rehimeng Biden-Harris, kaya ginawa namin ang lahat ng makakaya sa isang malaki at magandang batas para ayusin ang masisalba.)
Pero nag-aalala ang mga Republican moderates sa reaksyon ng mga botante, habang nagrereklamo ang fiscal conservatives sa hindi natupad na deficit targets. Plano ng White House na pirmahan ito ngayong Biyernes, kasabay ng Independence Day — isang move na tinawag ng mga kritiko na "tone-deaf" habang milyon-milyon ang mawawalan ng benepisyo.
Sumunod ang pagpasa ng bill sa kamakailang tagumpay ni Trump sa Supreme Court na naglimit sa judicial interference sa kanyang mga polisiya, na lalong nagpatibay sa kanyang agenda. Pero habang nakatutok ang mga Democrat sa 2026 midterm gains, maaaring simula pa lang ito ng pulitikal na epekto.
(Larawan: YouTube)