Trump, ipapadala na sa 12 bansa sa Lunes ang liham ukol sa bagong taripa

HULYO 6, 2025 — Kumpirmado ni Pangulong Donald Trump na pirmado na niya ang mga liham na nagpapatong ng bagong taripa sa 12 na bansa. Ipapadala umano ang mga ito sa Lunes. Ipinapakita ng hakbang na ito ang mas matigas na posisyon ng Amerika habang tila ititigil na ang negosasyon sa mga pangunahing trade partners.
Habang lulan ng Air Force One, ayaw pangalanan ni Trump ang mga bansang kasali, pero ibinunyag niya na magkakaiba ang mga taripa ng mga ito — may ilang aabot sa 70% — para sa mga produktong iluluwas sa U.S. Dapat sana’y ipinatupad ang mga ito noong Abril, pero naantala ng 90 araw para magkaroon ng negosasyon. Magwawakas ang deadline sa Hulyo 9, at inaasahang magkakabisa ang karamihan ng taripa sa Agosto 1.
“Different amounts of money, different amounts of tariffs,” sabi ni Trump sa mga reporter, at binrush-off ang matagalang negosasyon. “The letters are better … much easier to send a letter.”
(Iba’t ibang halaga, iba’t ibang taripa. Mas mainam ang liham … mas madaling magpadala ng liham.)
Layunin sana ng administrasyon na makakuha ng kasunduan sa maraming bansa, pero mabagal ang usad. Tanging ang Britain at Vietnam pa lang ang may kasunduan — ang una’y mananatili sa 10% na base rate pero may exemption sa ilang industriya, samantalang ang huli’y bababa sa 20% ang taripa sa ilang produkto.
Tila tumigil na rin ang negosasyon sa EU at India, at aminado ang mga diplomats na walang malapit na breakthrough.
Ipinapakita ng unilateral na demand ng White House ang hirap ng pag-aayos ng trade disputes sa ilalim ng masikip na deadline. Sa kasaysayan, inaabot ng taon — hindi buwan — ang ganitong mga kasunduan.
(Larawan: Yahoo Finance)