Stocks ng Tesla, bagsak! Pulitikal na ambisyon ni Musk, nagdudulot ng pangamba sa investors
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-07-08 15:31:35
HULYO 8, 2025 — Nahulog ng halos 7% ang halaga ng shares ng Tesla noong Lunes. Nawala ang $79 bilyon sa market value nito, habang lumalaki ang pangamba na ang bagong venture ni Elon Musk — isang bagong political party — ay magdudulot ng mas malaking instability sa electric vehicle giant.
Nabawasan ang valuation ng Tesla ng halos $921 bilyon, at ang personal na stake ni Musk ay lumiit ng $15 bilyon sa ilalim ng $120 bilyon. Pero kahit ganito, nananatili pa rin siyang pinakamayaman sa mundo, ayon sa Forbes, na may estimated net worth na $400 bilyon.
Nag-aalala na kasi ang mga investors sa pulitikal na pakikisangkot ni Musk, lalo na sa volatile na relasyon niya kay Pangulong Donald Trump. Noong nakaraan, ang pagsuporta niya kay Trump ay nagdulot ng backlash mula sa consumers, habang ang recent clashes naman nila ay nagdulot ng pangamba na baka maapektuhan ang Tesla kung mas lalo siyang mawalan ng focus — o kung magkaroon ng retaliation mula sa White House.
Nagbabala si analyst Dan Ives ng Wedbush Securities na ang bagong hakbang ni Musk — ang pagbuo ng "America Party" — ay maaaring magtulak sa mga shareholders na lumayo.
Sinabi niya na ang pulitikal na ventures ni Musk ay magpapalala sa kawalan ng katiyakan ng mga investors sa Tesla, na inis na inis na rin sa pagtanggi niyang iwasan ang pulitikal na laban. Ayon kay Ives, pagod na pagod na ang mga shareholders, na nakikita ang mas malalim na pakikialam ni Musk sa pulitika bilang distraction na hindi kayang tiisin ng kumpanya.
Hindi naman nagpigil si Trump, at tinawag niyang "ridiculous" ang plano ni Musk sa isang post sa Truth Social.
"I am saddened to watch Elon Musk go completely ‘off the rails,’ essentially becoming a TRAIN WRECK over the past five weeks," sulat niya.
(Nalulungkot akong makita si Elon Musk na ‘off the rails’ (tuluyang nawala na sa landas), at naging TRAIN WRECK sa nakalipas na limang linggo.)
Inanunsyo ni Musk ang bagong party sa X, at nagsabing, "When it comes to bankrupting our country with waste & graft, we live in a one-party system, not a democracy. Today, the America party is formed to give you back your freedom."
(Kapag usapin ng pagpapalubog sa ating bansa sa basura at katiwalian, nabubuhay tayo sa isang one-party system, hindi demokrasya. Ngayon, binuo ang America party para ibalik sa inyo ang inyong kalayaan.)
Dagdag pa sa problema ng Tesla ang supply chain hurdles at tumitinding competition, at ang pulitikal na gambit ni Musk ay nagdadagdag lamang ng isa pang layer ng kawalan ng katiyakan — at kitang-kitang hindi natutuwa ang Wall Street.
(Larawan: Yahoo)
