Diskurso PH
Translate the website into your language:

Nvidia nalampasan ang Apple, Microsoft! Pumalo sa $4T dahil sa AI boom

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-07-10 14:47:20 Nvidia nalampasan ang Apple, Microsoft! Pumalo sa $4T dahil sa AI boom

HULYO 10, 2025 — Gumawa ng kasaysayan ang Nvidia nitong linggo nang pansamantalang maging unang publicly traded company na umabot sa $4 trilyon ang market value, na higitan ang tech giants na Apple at Microsoft. Dulot ito ng kanilang dominasyon sa artificial intelligence (AI).

Umakyat ng 2.76% ang stock ng chip maker noong Miyerkules, na nagtulak sa valuation nito sa unprecedented threshold bago bumaba nang bahagya pagkatapos. Markado nito ang mabilis na pagtaas ng Nvidia, na nakapagtala ng 21% na paglago sa shares nitong taon pa lamang.

Habang nag-aagawan sa top spot ang Apple at Microsoft nitong mga nakaraang buwan, ipinakita ng patuloy na pag-angat ng Nvidia ang kanilang kritikal na papel sa AI boom. Ang kanilang high-performance chips ang pundasyon ng data centers na ginagamit ng Microsoft, Amazon, at Google para sa AI models — isang market na inaasahang lalampas sa $200 bilyon pagsapit ng 2028, ayon sa market research firm na The International Data Corporation (IDC).

"There is one company in the world that is the foundation for the AI Revolution, and that is Nvidia," sabi ni Wedbush analyst na si Dan Ives noong nakaraang buwan.

(May isang kumpanya sa buong mundo na siyang pundasyon ng AI Revolution, at iyon ay ang Nvidia.)

Nag-ulat ang kumpanya ng $44.1 bilyon na revenue nitong April quarter, isang 69% na pagtaas mula noong nakaraang taon, habang patuloy ang malakas na demand sa kanilang processors. Dating kilala sa gaming GPUs, desididong lumipat ang Nvidia sa AI, at inilabas nila ang next-gen chips tulad ng Blackwell Ultra, na idinisenyo para sa mas kumplikadong AI reasoning.

Nasa ika-10 na pwesto na ngayon si CEO Jensen Huang sa listahan ng pinakamayayaman sa mundo, na may $140 bilyon na yaman. 

Nasa forefront ang Nvidia ng teknolohikal at geopolitical shifts, kasama ang pakikipag-partner sa U.S. government sa $500 bilyong Project Stargate para sa AI infrastructure. Ngunit nakaranas din sila ng $2.5 bilyon na potensyal na lugi sa China dahil sa export restrictions.

Sa kabila ng kompetisyon mula sa mga Chinese startups tulad ng DeepSeek at trade tensions, bumalikwas ang Nvidia simula noong Abril, na may 74% na pagtaas ng shares. Naniniwala si Huang na babaguhin ng AI ang bawat industriya, mula healthcare hanggang manufacturing.

Sang-ayon ang Wall Street. Ayon sa Loop Capital analysts, maaaring umabot sa $6 trilyon ang Nvidia pagsapit ng 2028, at tinawag itong "monopoly for critical tech" (monopolya sa kritikal na teknolohiya) sa AI. Sa ngayon, ang $4 trilyon milestone ay hindi lamang para sa Nvidia, kundi pati na rin sa AI-driven future na kanilang tinutulungan na buuin.

 

(Larawan: NVIDIA Newsroom)