Diskurso PH
Translate the website into your language:

Presyo ng burgers posibleng lumobo; ang salarin, ang bagong taripa ni Trump

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-07-11 12:37:59 Presyo ng burgers posibleng lumobo; ang salarin, ang bagong taripa ni Trump

HULYO 11, 2025 — Ipapatupad ni President Donald Trump ang 50% tariff sa mga produktong galing Brazil, at ang mga mamimili sa America ang magdurusa — lalo na sa hapag-kainan. Binabalaan ng mga analyst na tataas ang presyo ng baka kaya’t lalong mahihirapan ang mga mahilig sa burgers dahil ngayon pa lang ay sobrang mahal na ng karne.

Magsisimula ang tariff sa Agosto 1. Tataas sa 76% ang buwis sa imported na baka mula Brazil, na posibleng maging dahilan para hindi na ito mabenta sa U.S. market. Dahil sa tagtuyot at mahal na feeds, bumaba sa 70-year low ang bilang ng baka sa America, kaya umasa ang mga food manufacturer sa Brazilian beef, na bumubuo sa 21% ng imports ng bansa ngayong taon.

"If it does not get modified, you just cease the importation of Brazilian beef to this country," sabi ni Bob Chudy, consultant ng U.S. beef importers.

(Kung hindi ito mababago, titigil na lang ang pag-angkat ng Brazilian beef sa bansa.)

Ang ripple effect any maaaring pumuwersa sa mga kumpanya na humanap ng mas mahal na mga alternatibo mula sa Australia, Argentina, o Uruguay, na magpapataas pa lalo ng gastos. At hindi lang baka ang apektado — pati kape at orange juice, na lalong magpapabigat sa budget ng mga pamilya.

Strategic political play lang ba ito, o talagang ipapapasan na naman sa mga mamimili ang epekto ng trade war?

Lalo pang masakit ang timing, dahil binawasan na ng Congress ang food assistance programs.

"This tariff will likely raise the price of beef, a staple food for many, on the heels of Congress voting to reduce food assistance to the most vulnerable consumers," pahayag ni Thomas Gremillion ng Consumer Federation of America.

(Ang tariff na ito ay magpapataas sa presyo ng baka, isang pangunahing pagkain, matapos bawasan pa ng Congress ang tulong sa mga pinakamahihirap na mamimili.)

Magrereklamo kaya ang mga tao, o patuloy lang silang magbabayad kahit gaano kamahal? At kung tuluyang tumaas ang presyo, magkakaroon kaya ng malawakang pagtutol, lalo na sa mga fast-food chains? 

Isang bagay ang tila sigurado: ang burger boom ay maaaring bumagsak — lahat nang dahil sa "America First" na mga polisiya.

 

(Larawan: Reddit)