Diskurso PH
Translate the website into your language:

Babae hinatulan ng 50 taong pagkakakulong dahil sa pagpatay sa 2 pamangkin sa Maryland

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-07-30 09:04:30 Babae hinatulan ng 50 taong pagkakakulong dahil sa pagpatay sa 2 pamangkin sa Maryland

BALTIMORE COUNTY — Isang babae mula Maryland ang sinentensiyahan ng hanggang 50 taon sa kulungan matapos matagpuan ng mga pulis ang nabubulok na bangkay ng kanyang pamangkin na babae at lalaki sa loob ng trunk ng kanyang sasakyan sa isang traffic stop noong 2021.

Kinilala ang suspek bilang si Nicole Michelle Johnson, 36, na nahatulang guilty sa dalawang bilang ng first-degree child abuse na nagresulta sa pagkamatay ng mga biktima na mas bata sa 13 taong gulang.

“Nicole Johnson, 36, of Maryland, was sentenced to life in prison suspending all but 50 years on Monday,” ayon sa ulat ng The Independent.

Ang insidente ay nadiskubre noong Hulyo 28, 2021, nang pahintuin si Johnson sa Essex, Maryland dahil sa overspeeding at paggamit ng pekeng rehistro. Habang inihahanda ng mga pulis ang pag-tow ng sasakyan, napansin nila ang “unmistakable odor of decomposition” mula sa trunk. Nang buksan ito, natagpuan ang bangkay ng pitong taong gulang na si Joshlyn Marie James Johnson sa loob ng isang maleta, habang ang kanyang limang taong gulang na kapatid na si Larry O’Neal ay nasa loob ng isang plastic tote.

Ayon sa imbestigasyon, si Johnson ay inatasang mag-alaga sa mga bata noong 2019 matapos iwan ng kanilang ina, si Dachelle Johnson. Sinubukan umanong bawiin ng ina ang mga anak ngunit hindi na niya muling nakita ang mga ito.

“It was supposed to just be a family helping family situation,” ani Dachelle sa isang dating GoFundMe post. “I trusted her… I’ll never get to see my kids because a mistake I made in trusting my sister”.

Batay sa autopsy, si Joshlyn ay may timbang na 18 pounds at si Larry ay 21 pounds lamang nang sila ay matagpuan—senyales ng matinding malnutrisyon.

“Joshlyn had died in May 2020 after being severely beaten by her aunt, while Larry had died in May 2021 after falling asleep and never waking up,” ayon sa Latin Times.

Sa kanyang salaysay, sinabi ni Johnson na sinaktan niya si Joshlyn matapos itong kumuha ng pagkain mula sa refrigerator. Bumagsak umano ang bata at tumama ang ulo. Inilagay niya ang bangkay sa maleta at iniwan ito sa trunk ng sasakyan sa loob ng mahigit isang taon. Si Larry naman ay namatay dalawang buwan bago ang traffic stop, at inilagay sa plastic bag sa tabi ng kanyang kapatid.

Bukod sa pagkakakulong, inatasan din si Johnson na sumailalim sa mental health treatment at ipinagbabawal ang anumang pakikipag-ugnayan sa mga batang wala pang 18 taong gulang.

Ang video ng kanyang pagkakaaresto at ang aktwal na pagkakadiskubre ng mga bangkay ay kasalukuyang viral online, na nagpapakita ng bodycam footage ng mga pulis sa insidente.