Diskurso PH
Translate the website into your language:

Ibon na may dalang isda, pinaniniwalaang nagsanhi ng sunog sa Canada?

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-08-07 19:56:05 Ibon na may dalang isda, pinaniniwalaang nagsanhi ng sunog sa Canada?

Agosto 7, 2025 — Canada — Isang nakakabigla at tila palabas sa pelikula ang naging sanhi ng sunog sa kanlurang bahagi ng Canada matapos matuklasang isang ibon ang sinisisi sa pagkakabagsak ng isang isda sa linya ng kuryente, na naging dahilan ng pagliyab ng damuhan.

Bandang Hulyo 30, tumugon ang mga bumbero ng Ashcroft Fire Department sa isang “heavy fire” o malakas na sunog sa damuhan, mga apat na milya (6.4 kilometro) sa timog ng bayan. Sa kanilang masusing imbestigasyon, tumambad ang isang sunog na isda sa pinangyarihan ng insidente.

Sa kanilang Facebook post, kinumpirma ng fire department: “It was determined to be a fish. Yes, you read that right, the fish had an incredible journey.” Ayon sa kanila, malamang na isang osprey — isang uri ng ibong kumakain ng isda — ang dumagit sa isda mula sa ilog na dalawang milya (3.2 kilometro) ang layo. Sa hindi inaasahang pagkakataon, nabitawan umano ng osprey ang huli nitong isda habang lumilipad, at ito’y tumama sa linya ng kuryente.

Bunga nito, nagbuga ng spark ang kuryente na syang nagpasimula ng apoy sa tuyong damuhan sa gilid ng highway. Tinatayang 4,800 galon ng tubig ang kinailangan upang apulahin ang apoy.

Walang nasaktan sa insidente, at ayon sa fire department, ligtas ang osprey. Biro pa nila sa kasunod na post, “The judge has not granted bail as the suspect poses an extreme... flight risk!” — isang nakakatawang patutsada sa ibon na parang kinulong sa imbestigasyon.

Bagamat maliit lamang ang sunog na ito, nagsisilbi itong paalala na maging maingat at alerto sa panahon ng tag-init, lalo’t madali nang magliyab ang mga tuyong damuhan. Dagdag pa rito, patuloy pa rin ang banta ng usok mula sa iba pang Canadian wildfires na nakaaapekto sa kalidad ng hangin sa ilang bahagi ng Amerika.

Hindi man pangkaraniwan ang sanhi ng sunog na ito, malinaw na sa panahon ng krisis sa klima, maging ang mga ibon ay hindi ligtas sa sisi. (Larawan: High Country New)