Trump, binatikos matapos ilipat ang mga portraits nina Obama at Bush sa hindi pansining lugar
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-08-13 00:57:22
Umani ng matinding batikos si dating US President Donald Trump matapos umano nitong ipag-utos ang paglilipat ng opisyal na White House portraits nina Barack Obama, George W. Bush, at George H. W. Bush sa lugar na hindi na matatanaw ng publiko.
Ayon sa ulat ng CNN, ang mga nasabing portrait na tradisyunal na inilalagay sa prominenteng bahagi ng White House para makita ng libu-libong turista ay inilipat sa mas liblib na bahagi ng presidential residence. Ang portrait ni Obama, obra ni Robert McCurdy na ipinakita sa publiko noong Setyembre 2022, ay dating nakapuwesto sa White House entryway. Ngayon, ito ay nakasabit umano sa itaas ng Grand Staircase — isang lugar na tanging pamilya ng presidente, piling staff, at Secret Service lamang ang may access.
Kasama ring inilipat sa parehong lugar ang mga portrait nina George W. Bush at George H. W. Bush. Ang mga ito ay gawa nina John Howard Sanden at Herbert E. Abrams, na kapwa hindi na rin nakikita ng mga bisita.
Maraming netizens ang umalma, tinawag si Trump na “petty” at “insecure.” May ilan pang nagsabing panandalian lamang ang pagbabagong ito, at agad babalik sa dati ang ayos kapag nagbago ang administrasyon.
Hindi ito ang unang pagkakataon na iniba ni Trump ang pagkakapuwesto ng mga presidential portraits. Noong unang termino niya, inalis niya ang mga portrait nina Bill Clinton at George W. Bush sa Grand Foyer at ipinalit ang larawan nina William McKinley at Theodore Roosevelt, na kalauna’y inilagay sa bihirang puntahan na Old Family Dining Room.
Ang isyung ito ay sumiklab ilang linggo matapos mag-post si Trump ng AI-generated video kung saan makikitang inaresto si Obama, kasabay ng pagbibintang muli sa kanya ng “treason” kaugnay ng imbestigasyon sa Russian interference noong 2016 elections.
Samantala, tinawag ni Patrick Rodenbush, tagapagsalita ni Obama, ang mga paratang bilang “katawa-tawa at desperadong distraction.” Hanggang ngayon, wala pang opisyal na pahayag mula sa White House hinggil sa isyu. (Larawan: Google)
