Trahedya: Umabot na sa mahigit 300 katao ang nasawi dahil sa malalakas na pag-ulan at patuloy na pagbaha sa Pakistan
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-08-16 22:09:49
PAKISTAN — Mahigit 300 katao ang nasawi matapos ang malalakas na ulan na nagdulot ng matinding flash floods sa Khyber Pakhtunkhwa (KP), Pakistan, ayon sa mga ulat ng midya nitong Sabado. Simula pa noong huling bahagi ng Hunyo, walang tigil na nanalasa ang monsoon rains sa bansa, partikular sa hilagang rehiyon at sa KP, na nagbunsod ng pagbaha, landslide, at malawakang paglikas ng mga residente.
Ayon sa ulat ng Dawn, libu-libong pamilya ang nawalan ng tirahan matapos masira o bahagyang mawasak ang maraming bahay at paaralan sa mga distrito ng Swat, Buner, Shangla, Bajaur, Dir, Batagram, at Mansehra. Malaking bahagi rin ng Swat ang nawalan ng kuryente matapos mabuwal ang mga poste at masira ang mga transformer.
Tinatayang mahigit 2,000 katao, kabilang ang 300 mag-aaral, ang nailikas ng mga rescue team patungo sa mas ligtas na lugar sa Buner. Ilang nayon at pamilihan, kabilang ang Pir Baba market, ang tuluyang lumubog sa baha, habang nailigtas naman ang ilang stranded na turista sa Mansehra. Dahil sa patuloy na banta ng kalamidad, ipinagbawal ng mga awtoridad ang pagpasok sa ilang lambak na lubhang mapanganib sa kasalukuyan.
Bukod sa pinsala sa lupa at kabuhayan, nasawi rin ang limang crew members matapos bumagsak ang isang Mi-17 helicopter na nagsasagawa ng rescue operation. Bilang pagkilala, idineklara ng pamahalaang panlalawigan ang isang araw ng pampublikong pagluluksa.
Sa ngayon, patuloy ang pagtutok ng mga awtoridad at humanitarian groups sa pagbibigay ng agarang ayuda at pagsasagawa ng mga relief operations para sa libu-libong apektadong residente. Ang trahedyang ito ay muling nagpakita sa matinding pinsalang dulot ng pagbabago ng klima at kakulangan ng maayos na imprastruktura sa mga madaling maapektuhan na komunidad. (Larawan: The Guardian / Google)
