Diskurso PH
Translate the website into your language:

‘Zombie deer disease’, posibleng magdulot ng panganib sa tao — mga eksperto, nagbabala

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-08-22 01:05:11 ‘Zombie deer disease’, posibleng magdulot ng panganib sa tao — mga eksperto, nagbabala

WASHINGTON, USA — Isang nakakabahalang babala ang ipinaabot ng mga siyentipiko matapos matuklasan ang mga usa na apektado ng tinatawag na Chronic Wasting Disease (CWD), na mas kilala bilang “zombie deer disease.” Ayon sa mga eksperto, bagama’t bihira, posible umanong makahawa sa tao ang mga hayop na apektado ng ganitong uri ng impeksiyon.

Ibinahagi ni Dr. Elis Fisk ng Washington State University na isang usa ang natagpuang may kakaibang kondisyon, kabilang ang pagkabulag at pamamaga ng mga mata. Nang isailalim sa pagsusuri, natuklasang may bakas ng plague sa parehong mata ng hayop. “Ang plague ay dulot ng bakterya at karaniwang nakikita sa mga daga o mga predator na kumakain sa kanila. Hindi pangkaraniwan na makita ito sa mga usa,” paliwanag ni Dr. Fisk.

Bagama’t wala pang naitalang kaso ng tao na nahawahan ng plague mula sa usa, pinapaalalahanan ang publiko na manatiling maingat. Ayon sa Washington State University, kung ang isang tao ay malalantad sa plague at hindi maagap na magagamot gamit ang antibiotics, maaari itong magdulot ng matinding karamdaman at kamatayan.

Pinayuhan naman ng Washington Department of Fish and Wildlife ang mga mangangaso at residente na iwasan ang anumang hayop na nagpapakita ng abnormal na asal o may kapansanan, tulad ng pagkabulag. Dapat din agad iulat sa awtoridad ang lokasyon at uri ng hayop na pinaghihinalaang may sakit, kahit ito ay buhay pa o patay na.

Habang nananatiling mababa ang tsansa ng paghawa sa tao, binigyang-diin ng mga eksperto na hindi ito imposibleng mangyari. Dahil dito, mariing ipinapaalala na manatiling mapagmatyag at huwag balewalain ang mga palatandaan ng sakit sa mga ligaw na hayop. (Larawan: Environmental Health News / Google)