Pinay nurse sa UK, pinagtulungan at pinagmumura ng mag-asawang Briton
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-09-04 09:13:58
September 4, 2025 - Isang Filipinang nurse sa United Kingdom ang naging biktima ng matinding pang-iinsulto at pisikal na pananakit mula sa isang mag-asawang Briton habang naglalakad kasama ang kanyang pamilya sa Manor Heath Park, Halifax noong Agosto 28.
Kinilala ang biktima bilang si Apple Moorhouse, isang Huddersfield resident na 15 taon nang nagtatrabaho sa National Health Service (NHS). Kasama niya noon ang kanyang dalawang anak na edad 11 at 6, pati na ang kanyang mga magulang na bumisita mula sa Pilipinas.
Nagsimula ang insidente nang takutin ng aso ng mag-asawa ang bunsong anak ni Moorhouse. Nang sabihin niya sa mag-asawa na itali ang aso, agad siyang sinagot ng lalaki ng, “Shut up, f**k off, and go back to where you came from on the dinghy boat”.
Hindi natapos sa insulto ang pangyayari. Ayon kay Moorhouse, “The woman grabbed my hair and pushed me to the ground,” dahilan upang magtamo siya ng pulled rib at mga pasa sa kamay. Kinailangan niyang magpagamot sa ospital.
Sa isa pang video na kanyang ipinost sa Facebook, maririnig ang lalaki na inutusan ang kanyang aso na “kill her” habang tumatahol ito kay Moorhouse. Sinabihan din siya ng babae ng, “You are in real trouble,” at tinawag siyang “slave” dahil sa kanyang trabaho bilang health care worker.
Dagdag pa ni Moorhouse, “I could have fought back, but I didn’t because I was raised to respect the elderly.” Ngunit aminado siyang labis siyang nasaktan hindi lamang pisikal kundi emosyonal. “After what happened, it only validated my decision [to leave the NHS]. I love what I do, but some people aren’t worth my time or my care. Justice must be served”.
Kinumpirma ng West Yorkshire Police na inaresto ang mag-asawa sa kasong racially aggravated assault. Pansamantala silang pinalaya sa ilalim ng conditional bail habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Ang insidente ay nagdulot ng malawakang pagkondena sa social media, kung saan libu-libong netizens ang nagpahayag ng suporta kay Moorhouse. Sa kanyang Facebook post, sinabi niya, “Racial abuse still exists, unfortunately,” kalakip ang mga hashtag na #racism, #abuse, at #discrimination.
Ang pangyayaring ito ay muling nagpapaalala sa patuloy na hamon ng diskriminasyon sa mga migranteng manggagawa, lalo na sa sektor ng kalusugan na siyang pangunahing sandigan ng maraming bansa sa panahon ng krisis.
