Trump, target patawan ng mataas na taripa maging mga imported na gamot
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-09-04 11:25:21
SETYEMBRE 4, 2025 — Nagbabala ang administrasyong Trump ng matinding buwis sa mga inaangkat na gamot — isang hakbang na maaaring magpataas ng presyo ng medisina sa Amerika at magdulot ng kakulangan sa supply.
Sa ilalim ng bagong panukala, posibleng patawan ng hanggang 200% na taripa ang mga gamot na galing sa ibang bansa. Bagamat matagal nang walang buwis sa mga imported na gamot, binago ito kamakailan sa kasunduan sa Europa kung saan may 15% na taripa na ipapataw sa ilang produktong pharmaceutical.
Ayon kay Maytee Pereira ng PwC, “This is an industry that’s going from zero (tariffs) to the potentiality of 200%.”
(Industriyang walang buwis noon, ngayon ay posibleng patawan ng hanggang 200% na taripa.)
Bagamat layunin ni Trump na pababain ang presyo ng gamot, kabaligtaran ang maaaring mangyari.
Ayon sa ekonomistang si Diederik Stadig ng ING, “A tariff would hurt consumers most of all, as they would feel the inflationary effect ... directly when paying for prescriptions at the pharmacy and indirectly through higher insurance premiums.”
(Pinakamalaking tatamaan ng taripa ang mga mamimili — direktang mararamdaman sa presyo ng gamot sa pharmacy at di-direktang sa taas ng insurance premiums.)
Pinag-aaralan din ng administrasyon ang epekto ng pag-aangkat ng gamot sa pambansang seguridad, gamit ang Section 232 ng Trade Expansion Act. Layunin nitong palakasin ang lokal na produksyon ng gamot upang hindi umasa sa ibang bansa, lalo na sa China na pangunahing supplier ng pharmaceutical ingredients.
Ngunit hindi basta-basta ang paglipat ng produksyon sa Amerika.
Ayon kay Jacob Jensen ng American Action Forum, “97% of antibiotics, 92% of antivirals, and 83% of the most popular generic drugs contain at least one active ingredient that is manufactured abroad.”
(Halos lahat ng antibiotic, antiviral, at generic drugs ay may sangkap na galing sa ibang bansa.)
Kahit pa magtayo ng pabrika sa U.S., hindi garantiya na makakaiwas sa buwis kung ang sangkap ay imported pa rin. Dagdag pa rito, mas malaki ang kita ng mga brand-name drug companies kaya mas kaya nilang saluhin ang gastos.
Sa kabilang banda, ang mga gumagawa ng generic drugs ay posibleng umatras sa merkado, na maaaring magdulot ng kakulangan sa supply.
Sa kasalukuyan, nag-iimbak na ng gamot ang ilang kumpanya bilang paghahanda sa posibleng buwis. Ayon sa mga analyst, maaaring hindi agad maramdaman ang epekto hanggang 2027 o 2028.
Habang patuloy ang debate, nananatiling tanong kung gaano kalaki ang buwis na ipapataw at kung may exemption para sa mga murang gamot. Ngunit kahit 25% na taripa lang, tinatayang tataas ng 10% hanggang 14% ang presyo ng gamot sa Amerika sa paglipas ng panahon.
Sa huli, ang tanong ay hindi lang kung kailan ipapataw ang buwis, kundi kung handa ba ang Amerika na gastusan ang pagbabalik ng buong supply chain ng gamot sa sariling bayan.
(Larawan: Yahoo Finance)
