Diskurso PH
Translate the website into your language:

Japan, magpapatuloy sa pagbibigay ng pautang para sa malalaking proyekto sa Pilipinas

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-09-12 20:23:17 Japan, magpapatuloy sa pagbibigay ng pautang para sa malalaking proyekto sa Pilipinas

Setyembre 12, 2025 – Magpapatuloy ang pamahalaan ng Japan sa pagpopondo ng murang loan para sa malalaking imprastruktura sa Pilipinas tulad ng mga tulay, spillway, at proyektong may kinalaman sa maritime sector.


Ito ang tiniyak ng gobyerno ng Japan sa gitna ng imbestigasyon ng Kongreso sa mga umano’y anomalya sa flood control projects ng bansa.


Pinangunahan ni Finance Secretary Ralph Recto ang delegasyon ng Pilipinas sa pakikipagpulong kay Mori Masafumi, Special Advisor to the Prime Minister ng Japan, upang suriin ang progreso ng mga proyektong pinondohan ng Japan.


Sa kanilang pag-uusap, kinumpirma ng Japan ang pagpapatuloy ng suporta sa iba’t ibang larangan kabilang ang infrastructure development, disaster prevention, energy, information and communications, at ang peace process sa Mindanao.


Binigyang-diin naman ni Recto na sisiguraduhin ng pamahalaan ang maayos at transparent na pagpapatupad ng mga kasalukuyan at nakatakdang proyekto bilang tugon sa tiwala ng Japan.


Kabilang sa mga proyektong popondohan para sa fiscal year 2025-2026 ang ikalawang San Juanico Bridge na magpapabilis ng biyahe, magpapababa ng pamasahe, at lilikha ng dagdag na oportunidad para sa negosyo at trabaho sa Visayas.


Nakapaloob din sa pipeline projects ang Parañaque Spillway Project na layong bawasan ang pagbaha sa mga lugar sa paligid ng Laguna Lakeshore, at ang PCG Support Facility sa Subic Bay para palakasin ang kakayahan ng Philippine Coast Guard at maprotektahan ang mga komunidad sa baybayin.