Diskurso PH
Translate the website into your language:

Larawan ng person of interest sa pagpatay kay Charlie Kirk, inilabas ng FBI

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-09-12 08:31:58 Larawan ng person of interest sa pagpatay kay Charlie Kirk, inilabas ng FBI

OREM, UTAH — Inilabas ng Federal Bureau of Investigation (FBI) ang mga larawan ng isang person of interest kaugnay ng pagpatay kay conservative activist Charlie Kirk, na binaril habang nagsasalita sa isang campus event sa Utah Valley University noong Setyembre 10.

Sa mga larawang inilabas ng FBI Salt Lake City office, makikita ang isang lalaking nakasuot ng long-sleeve black shirt na may American flag print, sumbrero, at sunglasses. Ayon sa mga awtoridad, pinaniniwalaang college-age ang suspek at “blended in well” sa mga estudyante sa naturang event.

“We are asking for the public’s help identifying this person of interest in connection with the fatal shooting of Charlie Kirk at Utah Valley University,” ayon sa opisyal na pahayag ng FBI na ibinahagi sa X (dating Twitter). Nag-alok ang ahensya ng hanggang $100,000 na reward para sa impormasyon na maaaring humantong sa pagkakakilanlan at pagkakaaresto ng salarin.

Batay sa imbestigasyon, isang high-powered Mauser .30-caliber bolt-action rifle ang natagpuan sa kagubatan malapit sa campus, nakabalot sa tuwalya. May isang spent cartridge sa chamber at tatlong bala pa sa magazine. Ayon sa ulat, ang mga bala ay may nakaukit na mensaheng tumutukoy sa “transgender and anti-fascist ideology”. Kasalukuyang isinasailalim sa forensic analysis ang baril at mga fingerprint na nakuha sa lugar ng krimen.

Si Kirk, 31, ay tinamaan sa leeg habang nakaupo sa kanyang “Prove Me Wrong” table sa open-air courtyard ng unibersidad. Ayon sa Utah Department of Public Safety, ang salarin ay nagpaputok mula sa bubong ng isang gusali, at agad na tumakas sa pamamagitan ng pagtalon sa kabilang bahagi ng building at pagtakas sa kalapit na kagubatan.

Kinumpirma ni Utah Governor Spencer Cox na ang insidente ay isang “political assassination” at binigyang-diin na “We will find you, we will try you, and we will hold you accountable to the furthest extent of the law”.

Dalawang lalaki ang unang inaresto matapos ang pamamaril ngunit agad ding pinalaya matapos ang interogasyon. Patuloy ang manhunt at nananawagan ang FBI sa publiko na magbigay ng anumang impormasyon o ebidensiya, kabilang ang mga larawan o video mula sa event.

Si Charlie Kirk ay kilalang tagapagtatag ng Turning Point USA at malapit na kaalyado ni Pangulong Donald Trump. Sa kanyang tribute, sinabi ni Trump: “The Great, and even Legendary, Charlie Kirk, is dead. No one understood or had the Heart of the Youth in the United States of America better than Charlie”.

Ang kanyang labi ay nakatakdang ilipad patungong Arizona, kung saan nakabase ang kanyang organisasyon. Patuloy ang dasal at panawagan para sa hustisya mula sa kanyang pamilya, mga tagasuporta, at mga lider ng bansa.

Larawan mula sa FBI