Diskurso PH
Translate the website into your language:

Trump nilagdaan proklamasyon: $100K fee kada H-1B visa simula 2025

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-09-20 16:44:53 Trump nilagdaan proklamasyon: $100K fee kada H-1B visa simula 2025

WASHINGTON, D.C. — Nilagdaan ni Pangulong Donald Trump noong Setyembre 19 ang isang proklamasyon na nagtatakda ng $100,000 annual fee para sa bawat aplikasyon ng H-1B visa, isang hakbang na layong baguhin ang sistema ng pagkuha ng mga dayuhang manggagawa sa ilalim ng high-skilled visa program ng Estados Unidos.

Ayon sa White House, ang bagong patakaran ay bahagi ng mas malawak na reporma upang limitahan ang umano’y pag-abuso sa H-1B program, na ginagamit ng ilang kumpanya upang makakuha ng mas murang labor mula sa ibang bansa. “This proclamation ensures that America will now get good workers,” ani Trump habang nilalagdaan ang dokumento sa Oval Office.

Ang H-1B visa ay karaniwang ginagamit ng mga kumpanya sa teknolohiya upang kumuha ng mga dayuhang propesyonal sa larangan ng STEM (Science, Technology, Engineering, and Mathematics). Taun-taon, humigit-kumulang 85,000 H-1B visas ang ibinibigay, kung saan 71% ay napupunta sa mga aplikanteng mula sa India.

Mga Pangunahing Probisyon ng Proklamasyon

  • Ang $100,000 fee ay ipapataw sa bawat bagong aplikasyon at renewal ng H-1B visa simula Setyembre 21, 2025
  • Hindi saklaw ang mga H-1B holders na kasalukuyang nasa U.S., maliban kung mag-file ng bagong petisyon mula sa labas ng bansa
  • May exceptions para sa mga industriya na may “national interest” gaya ng defense, critical STEM research, at healthcare
  • Ang patakaran ay epektibo sa loob ng 12 buwan, at rerepasuhin ng mga ahensya ng gobyerno bago ito ma-renew

Binatikos ng mga immigration lawyers at tech industry leaders ang hakbang, na tinawag itong “disincentive” para sa global talent. Ayon kay Deedy Das ng Menlo Ventures: “If the U.S. ceases to attract the best talent, it drastically reduces its ability to innovate and grow the economy.”

Samantala, sinabi ni U.S. Commerce Secretary Howard Lutnick: “Train Americans. Stop bringing in people to take our jobs.” bilang suporta sa bagong patakaran.

Ayon sa mga analyst, ang hakbang ay posibleng magdulot ng legal challenges, lalo na mula sa mga startup at mid-sized firms na heavily dependent sa H-1B workers. Posibleng tumaas ang offshore hiring upang iwasan ang mataas na bayarin, habang ang mga malalaking kumpanya gaya ng Amazon, Microsoft, at Google ay inaasahang makakaangkop agad sa bagong sistema.

Ang proklamasyon ay bahagi ng mas agresibong hakbang ng administrasyong Trump upang baguhin ang immigration policies, kasabay ng paglulunsad ng “Gold Card” program para sa mga mayayamang investor na nais ng fast-tracked residency sa U.S..