Diskurso PH
Translate the website into your language:

Nominee ni Trump para sa PH envoy post, naghihintay ng kumpirmasyon ng US Senate

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-10-09 16:07:01 Nominee ni Trump para sa PH envoy post, naghihintay ng kumpirmasyon ng US Senate

WASHINGTON — Pormal nang nominado ni US President Donald Trump si Lee Lipton, isang negosyanteng mula Florida at kasalukuyang interim Permanent Representative sa U.S. Mission to the Organization of American States (OAS), bilang bagong Ambassador Extraordinary and Plenipotentiary ng Estados Unidos sa Pilipinas, ayon sa anunsyo ng White House nitong Oktubre 8 (Oktubre 9 sa Pilipinas).

Si Lipton ang unang non-career diplomat na itinalaga sa posisyong ito sa kasaysayan ng US-Philippines relations sa ilalim ng administrasyong Trump. Papalitan niya si MaryKay Carlson, na nagsilbi bilang ambassador mula pa noong 2022.

Ayon sa profile ng US State Department, si Lipton ay may mahigit 25 taon ng karanasan sa pribadong sektor, kabilang ang pamumuno sa isang apparel business na nagdala ng mga global brand tulad ng Calvin Klein, St. John Knits, at Guess. Pagkatapos ibenta ang kumpanya, pumasok siya sa industriya ng hospitality at nagmamay-ari ng mga kilalang oceanfront restaurants sa Palm Beach County, Florida.

Sa kanyang kasalukuyang tungkulin sa OAS, si Lipton ay responsable sa interagency coordination, financial management, at pagpapatupad ng foreign policy priorities ng Estados Unidos sa Western Hemisphere. Kabilang sa kanyang mga isinusulong ay ang countering malign influence, partikular mula sa Chinese Communist Party (CCP) sa rehiyon.

Ikinatuwa ng Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez ang nominasyon ni Lipton, at tinawag itong “a good indication” ng personal na pagpapahalaga ni Trump sa relasyon ng dalawang bansa. “Trump sees the Philippines as important to him personally,” ani Romualdez sa panayam ng GMA News Online.

Ang nominasyon ni Lipton ay nakabinbin pa sa kumpirmasyon ng US Senate, ngunit inaasahang magiging pabor sa administrasyon dahil sa malawak na suporta sa mga en bloc appointments ng mga bagong ambassador sa Asia-Pacific region.

Larawan mula State Department