Diskurso PH
Translate the website into your language:

Louvre, nilooban ng mga kawatang armado ng chainsaw; ‘priceless’ na mga alahas, tinangay

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-19 20:14:09 Louvre, nilooban ng mga kawatang armado ng chainsaw; ‘priceless’ na mga alahas, tinangay

OKTUBRE 19, 2025 — Isang mabilis at matapang na pagnanakaw ang tumambad sa Louvre Museum nitong Linggo ng umaga matapos pasukin ng mga armadong kawatan ang prestihiyosong gusali sa gitna ng Paris. Sa loob lamang ng pitong minuto, tinangay ng mga suspek ang mga alahas na may pambansang halaga mula sa “Gallerie d’Apollon,” isang silid na kilala sa paglalaman ng mga hiyas ng korona ng France.

Ayon sa mga imbestigador, dumating ang mga magnanakaw bandang 9:30 ng umaga sakay ng mga motorsiklo. Bitbit nila ang mga chainsaw at angle grinder, mga gamit upang sirain ang mga proteksyon sa mga display. Gumamit sila ng goods lift upang marating ang target na silid sa ikalawang palapag ng museo.

Kinumpirma ni Interior Minister Laurent Nunez na tatlo o apat ang sangkot sa krimen. 

“Three or four individuals used a hoist to access the Apollo Gallery and stole priceless items,” aniya. 

(Tatlo o apat na indibidwal ang gumamit ng hoist para marating ang Apollo Gallery at ninakaw ang mga bagay na “priceless.”)

Hindi pa tiyak kung alin sa mga alahas ang nakuha, ngunit kabilang sa koleksyon ng silid ang mga makasaysayang diyamante gaya ng Regent, Sancy, at Hortensia, pati na ang kwintas na may esmeralda at diyamante na regalo ni Napoleon sa kanyang asawa.

Walang naiulat na nasaktan sa insidente, ayon sa pahayag ng French interior ministry. 

“Beyond their market value, these items have inestimable heritage and historical value,” dagdag ng ahensya. 

(Higit pa sa halaga sa merkado, ang mga bagay na ito ay may hindi matatawarang halaga sa kasaysayan at heritage.)

Dahil sa insidente, pansamantalang isinara ang Louvre sa publiko. Naglatag ng police tape sa paligid ng museo habang nagpaikot ang mga sundalong may mahahabang armas. Pumasok din ang forensic team upang simulan ang imbestigasyon.

Ang Louvre, na dating tirahan ng mga hari ng France bago lumipat si Louis XIV sa Versailles, ay tinatayang dinarayo ng siyam na milyong bisita kada taon. Kamakailan lamang, ilang museo sa Paris ang naging target ng mga magnanakaw, kabilang ang Natural History Museum kung saan ninakaw ang mga gintong sample na nagkakahalaga ng €600,000.

Patuloy ang pagtukoy sa eksaktong halaga ng mga ninakaw na alahas. Samantala, nananatiling tahimik ang pamunuan ng Louvre sa kabila ng mga tanong mula sa media.

(Larawan: Yahoo News UK)