Cardinal Tagle pormal nang nanumpa bilang Cardinal Bishop ng Albano sa Italya
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-10-12 19:12:42
Roma, Italya — Pormal nang nanumpa si Cardinal Luis Antonio Tagle bilang Cardinal Bishop ng Diocese of Albano, isa sa pitong makasaysayang suburbicarian dioceses na nakapaligid sa Roma, Italya. Ang seremonya ng panunumpa ay ginanap sa Albano Cathedral at dinaluhan ng mga lokal na pari, parokyano, at mga Pilipino sa Italya, kabilang na ang pamilya ni Cardinal Tagle.
Pinangunahan ni Bishop Vincenzo Viva ang naturang seremonya na naging makabuluhan hindi lamang para sa Simbahang Katolika sa Italya, kundi maging sa mga Pilipinong Katoliko na nagtipon upang saksihan ang bagong yugto ng paglilingkod ni Tagle sa Simbahan.
Itinalaga si Cardinal Tagle bilang Cardinal Bishop ng Albano noong Mayo 24 ng taong ito, matapos mabakante ang posisyon nang maupo bilang Santo Papa si Cardinal Robert Prevost, na dating nakatalaga sa naturang diyosesis. Sa pamamagitan ng kanyang panunumpa, pormal nang isinakatuparan ang kanyang tungkulin bilang pinuno ng isa sa mga pinakamatandang diyosesis sa paligid ng Roma.
Si Cardinal Tagle ay kabilang sa mga itinuturing na pinakamatataas na opisyal ng Simbahang Katolika. Bukod sa bagong tungkulin, siya rin ay nagsisilbing Pro-Prefect ng Dicastery for Evangelization sa Vatican, isang posisyon na nakatuon sa pagpapalaganap ng pananampalatayang Katoliko sa buong mundo.
Itinaas siya sa ranggong Cardinal Bishop noong 2020, isang antas na karaniwang ibinibigay sa mga pinakamatatandang at iginagalang na miyembro ng College of Cardinals, ang konsehong nagbibigay payo sa Santo Papa at bumoboto sa pagpili ng bagong pinuno ng Simbahan.
Ang Diocese of Albano ay kabilang sa mga tinatawag na “suburbicarian dioceses,” na may mataas na simbolikong kahalagahan sa Simbahang Katolika. Kadalasan, ang mga diyosesis na ito ay inilalaan sa mga senior cardinal bilang tanda ng kanilang karanasan at malalim na ugnayan sa Roma.
Para sa maraming Pilipino, ang bagong tungkulin ni Cardinal Tagle ay itinuturing na karangalan at patunay ng patuloy na pag-angat ng mga Pilipino sa pandaigdigang Simbahang Katolika. Nakikita rin ito ng ilan bilang senyales ng patuloy na tiwala ng Vatican sa kakayahan ni Tagle bilang isa sa mga pinakamaimpluwensyang lider espiritwal mula sa Asya.