Diskurso PH
Translate the website into your language:

Pamamaril sa Bondi Beach: 16 nasawi, mag-amang suspek timbog

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-12-15 09:26:16 Pamamaril sa Bondi Beach: 16 nasawi, mag-amang suspek timbog

DISYEMBRE 15, 2025 — Nagulantang ang Australia matapos ang madugong pamamaril sa Bondi Beach, Sydney na ikinasawi ng 16 katao, kabilang ang isa sa mga suspek. Ang kanyang 24-anyos na anak, na isa ring sangkot, ay nasa kritikal na kondisyon sa ospital. Kinumpirma ng pulisya na ang mag-ama ang responsable sa pag-atake sa isang pagtitipon ng Hanukkah na dinaluhan ng mahigit 1,000 katao.

Tumagal ng halos sampung minuto ang putukan sa parke malapit sa dalampasigan, na nagdulot ng matinding kaguluhan. Daan-daang tao ang nagsitakbuhan patungo sa kalapit na kalsada habang iniwan ang kanilang mga gamit sa buhanginan.

Isang bystander na kinilala bilang si Ahmed al Ahmed, 43-anyos na may-ari ng tindahan ng prutas, ang nakunan sa video habang tinatabig at inaalis ang armas ng isa sa mga suspek. Tinamaan siya ng dalawang bala at sumailalim sa operasyon.

Agad na nagkaroon ng fundraising para sa kanya na nakalikom na ng higit A$200,000.

Nasa 40 katao pa ang nananatili sa ospital, kabilang ang dalawang pulis na nasa stable ngunit seryosong kondisyon. Ang mga biktima ay mula edad 10 hanggang 87.

Isang saksi, si Trent Tur, 18-anyos na lifesaver, ay nagsalaysay ng nakakatakot na eksena.

"We were in the water and next second we see people laying on the floor, a kid was shot. It was probably the worst thing I've ever seen," aniya.

(Nasa tubig kami at sa susunod na sandali, nakita naming nakahandusay ang mga tao, may batang tinamaan. Marahil ito na ang pinakamasamang bagay na nakita ko.)

Kinumpirma ng mga awtoridad na dalawang suspek lamang ang sangkot. Hinalughog ng pulisya ang bahay ng mag-ama sa Bonnyrigg, kanluran ng Sydney, kung saan mahigpit ang presensya ng mga alagad ng batas.

Bagama’t hindi pa inilalantad ang eksaktong armas na ginamit, nakunan sa video ang paggamit ng bolt-action rifle at shotgun.

Nagpunta si Punong Ministro Anthony Albanese sa Bondi Beach upang mag-alay ng bulaklak. Sa kanyang pahayag, mariin niyang kinondena ang insidente.

"What we saw yesterday was an act of pure evil, an act of anti-semitism, an act of terrorism on our shores in an iconic Australian location," pahayag niya.

(Ang nakita natin kahapon ay gawa ng lubos na kasamaan, isang anti-semitic na atake, isang terorismo sa ating lupain sa isang tanyag na lugar ng Australia.)

Dagdag pa niya, "The Jewish community are hurting today. Today, all Australians wrap our arms around them and say, we stand with you." 

(Nagdadalamhati ang Jewish community ngayon. Ngayon, lahat ng Australyano ay yumayakap sa kanila at nagsasabing, kasama namin kayo.)

Nagpahayag din ng pakikiramay sina U.S. President Donald Trump at French President Emmanuel Macron. 

Ang pamamaril sa Bondi ay naganap sa gitna ng tumitinding anti-semitic na insidente sa Australia mula nang sumiklab ang digmaan sa Gaza noong Oktubre 2023. Sa tala ng pamahalaan, may mga naunang atake na iniuugnay sa Iran, dahilan upang ipatalsik ang kanilang ambasador noong Agosto.

Sa buong mundo, kabilang ang Berlin, London, at New York, agad na nagpatupad ng mas mahigpit na seguridad sa mga pagdiriwang ng Hanukkah matapos ang insidente.

Ang Bondi Beach, na karaniwang puno ng mga naglilibang tuwing umaga, ay ngayo’y tahimik at nagdadalamhati. Ang pamamaril na ito, pinakamalubha mula pa noong Port Arthur massacre noong 1996, ay nagsilbing paalala na kahit sa bansang kilala sa mahigpit na gun laws, nananatiling banta ang karahasan.



(Larawan: Yahoo)