Diskurso PH
Translate the website into your language:

Thailand, nagpakawala ng air strikes laban sa Cambodia dahil sa alitan sa border

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-12-08 17:30:38 Thailand, nagpakawala ng air strikes laban sa Cambodia dahil sa alitan sa border

DISYEMBRE 8, 2025 — Nagpatuloy ang matagal nang alitan sa border ng Thailand at Cambodia matapos maglunsad ng air strikes ang militar ng Thailand laban sa mga target sa teritoryo ng kalaban. Ayon sa ulat ng hukbong Thai, isang sundalo ang nasawi at apat ang sugatan sa sagupaan sa probinsya ng Ubon Ratchathani, matapos umanong paputukan ng mga puwersang Cambodian ang kanilang tropa.

Sa opisyal na pahayag ng Thailand, nakasaad: "The Thai side has now begun using aircraft to strike military targets in several areas." 

(Sinimulan na ng panig ng Thailand ang paggamit ng mga eroplano upang bombahin ang mga target militar sa iba’t ibang lugar.)

Samantala, iginiit ng Ministry of Defense ng Cambodia na ang kanilang tropa ay hindi gumanti sa mga pag-atake. Ayon sa kanila, ang pambobomba ng Thailand ay isinagawa sa madaling araw sa dalawang lokasyon matapos ang sunod-sunod na “provocative actions” ng Bangkok.

Ang kasalukuyang tensyon ay muling sumiklab ilang buwan matapos ang limang araw na digmaan noong Hulyo, kung saan 48 ang nasawi at tinatayang 300,000 katao ang pansamantalang lumikas. Noon, pinamagitan ni Malaysian Prime Minister Anwar Ibrahim at ni US President Donald Trump ang kasunduan sa tigil-putukan, na sinundan pa ng mas malawak na kasunduan sa kapayapaan sa Kuala Lumpur noong Oktubre.

Gayunman, tumindi muli ang sitwasyon nang magdeklara ang Thailand na ititigil ang pagpapatupad ng ceasefire matapos masugatan ang isa nitong sundalo sa pagsabog ng landmine noong nakaraang buwan. Dahil dito, higit 385,000 sibilyan mula sa apat na distrito sa border ang inilikas, at mahigit 35,000 na ang pansamantalang naninirahan sa mga evacuation center.

Mahigit isang siglo nang pinagtatalunan ng dalawang bansa ang mga hindi malinaw na border sa 817-kilometrong linya na unang iginuhit ng France noong 1907, nang sakop pa nito ang Cambodia. Sa kabila ng mga pagtatangka sa diplomasya, paulit-ulit na sumasabog ang tensyon, gaya ng matinding palitan ng artilyeriya noong 2011.

Ang bagong bugso ng karahasan ay muling nagbabadya ng mas malawak na krisis sa rehiyon, habang parehong panig ay patuloy na nagbabantay sa kanilang mga teritoryo.



(Larawan: Yahoo)