Diskurso PH
Translate the website into your language:

Fil-Ams binalaan: pagka-Filipino, huwag basta isuko

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-12-07 20:48:56 Fil-Ams binalaan: pagka-Filipino, huwag basta isuko

DISYEMBRE 7, 2025 — Nagbabala ang Embahada ng Pilipinas sa Washington sa mga Filipino American hinggil sa panganib ng pagtalikod sa kanilang pagka-Filipino, kasunod ng panukalang batas sa Senado ng Estados Unidos na naglalayong wakasan ang dual citizenship.

Noong Disyembre 1, inihain ni Senador Bernie Moreno ng Ohio ang Exclusive Citizenship Act of 2025, na kung maisasabatas ay magbabawal sa pagkakaroon ng dalawang nasyonalidad. Ayon sa kanya, “allegiance to the United States must be undivided” (ang katapatan sa Estados Unidos ay dapat buo at hindi nahahati). 

Dagdag pa ni Moreno, “One of the greatest honors of my life was when I became an American citizen at 18, the first opportunity I could do so. It was an honor to pledge an oath of allegiance to the United States of America and only to the United States of America! Being an American citizen is an honor and a privilege — and if you want to be an American, it’s all or nothing. It’s time to end dual citizenship for good.” 

(Isa sa pinakamalaking karangalan sa aking buhay ay nang maging mamamayan ako ng Amerika sa edad na 18, sa unang pagkakataon na maaari ko itong gawin. Karangalan ang manumpa ng katapatan sa Estados Unidos at tanging sa Estados Unidos lamang! Ang pagiging mamamayan ng Amerika ay karangalan at pribilehiyo — at kung nais mong maging Amerikano, ito’y ‘all or nothing.’ Panahon na upang wakasan ang dual citizenship.)

Sa pahayag ng embahada, binigyang-diin na ang pag-renounce ng pagka-Filipino ay hindi na maaaring bawiin. 

“Renunciation of Philippine citizenship is an irreversible legal action,” ayon sa opisyal na abiso. 

(Ang pagtalikod sa pagka-Filipino ay isang legal na hakbang na hindi na mababawi.)

Gayunman, nilinaw ng embahada na dadaan pa sa masusing deliberasyon ang panukala, lalo’t malaki ang epekto nito sa mga grupong imigrante. Binanggit din na may mga kahalintulad na panukala noon sa Kongreso ng Amerika na hindi umusad.

Batay sa datos ng US Census Bureau noong 2023, halos limang milyong indibidwal sa Estados Unidos ang nagkakakilanlan bilang Pilipino. Sa Orlando, Florida pa lamang, 226 na kababayan ang muling nakakuha ng dual citizenship nitong Oktubre matapos mawalan ng pagka-Filipino nang sila’y maging naturalized Americans.

Muling iginiit ng embahada na matagal nang kinikilala ng batas ang dual citizenship, kabilang ang desisyon ng Korte Suprema ng Amerika noong 1952 na pumapabor sa karapatan ng isang tao na magkaroon ng dalawang nasyonalidad.



(Larawan: PIA - Philippine Information Agency)