Año: Bondi gunmen turista lang, walang training sa Davao
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-12-20 19:43:54
MANILA — Mariing itinanggi ni National Security Adviser (NSA) Eduardo Año ang mga ulat na nagsanay sa Pilipinas ang mag-amang suspek sa Bondi Beach mass shooting sa Sydney, Australia na ikinasawi ng hindi bababa sa 15 katao at ikinasugat ng mahigit 40 iba pa.
Ayon kay Año, walang ebidensiya na si Sajid Akram, 50, at anak niyang si Naveed Akram, 24, ay sumailalim sa anumang “military-style training” sa bansa bago ang pamamaril noong Disyembre 14. “There was no way they could have trained in Maguindanao before the deadly shooting,” aniya sa panayam.
Batay sa tala ng Bureau of Immigration (BI), dumating ang mag-ama sa Pilipinas noong Nobyembre 1 sakay ng Philippine Airlines flight mula Sydney patungong Maynila, bago lumipad patungong Davao City. Nanatili sila sa bansa hanggang Nobyembre 28 bago bumalik sa Australia.
Dagdag ni Año, sa buong pananatili nila sa Davao, nakatira lamang sila sa isang hotel at walang naitalang pag-alis sa lungsod. “Authorities have found that the father-and-son suspects did not leave Davao City during their 28-day stay. They slept in the same hotel every night, jogged, slept, bonded, and did not receive visitors,” paliwanag niya.
Kinumpirma rin ng Manila International Airport Authority (MIAA) na dumaan sa regular na proseso sa Ninoy Aquino International Airport ang mag-ama at walang nakitang problema sa kanilang mga dokumento. “Tuloy-tuloy sa customs, wala naman silang naging problem,” ayon kay MIAA General Manager Eric Ines.
Ang mga suspek ay bumalik sa Sydney dalawang linggo bago ang pamamaril sa Bondi Beach, kung saan binaril nila ang mga dumalo sa isang Hanukkah celebration. Napatay si Sajid sa engkuwentro sa pulisya habang kritikal namang nasugatan si Naveed.
Giit ni Año, hindi dapat ituring ang Pilipinas bilang “terrorist hotspot” dahil sa insidente. “They were here as father and son, and there was no indication of training or terror activity,” dagdag niya.
