Grupo ng mga doktor: Gamot ang kailangan sa tuberculosis, hindi gatas

Mayo 24, 2025 — Pinaalalahanan ng Philippine College of Physicians (PCP) ang publiko nitong Biyernes na ang tuberculosis (TB) ay isang seryosong impeksiyon na dulot ng bacteria at umaatake sa baga at respiratory system.
Binigyang-diin ng grupo na nangangailangan ito ng tamang gamutan mula sa mga eksperto, lalo na ngayong may kumakalat na maling paniniwalang nakakagamot ng TB ang pag-inom ng gatas.
Sa pakikipagtulungan ng Philippine College of Chest Physicians Council on Tuberculosis, nilinaw ng PCP na ang TB ay “a disease entity caused by mycobacterium tuberculosis (isang uri ng sakit na sanhi ng mycobacterium tuberculosis),” at ito’y naihahawa sa pamamagitan ng hangin mula sa isang taong may impeksiyon.
Ayon pa sa kanila, “active TB disease, with susceptible strains, can be cured by a combination of a four-drug regimen: isoniazid, rifampin, pyrazinamide and ethambutol given over a span of six months (ang active TB disease, kapag sensitibo ang strain, ay maaaring malunasan sa pamamagitan ng kombinasyon ng apat na gamot: isoniazid, rifampin, pyrazinamide, at ethambutol na iniinom sa loob ng anim na buwan).”
Dagdag pa nila, “milk supplementation supports bone health but is not an alternative to TB management (nakakatulong ang gatas sa kalusugan ng buto, pero hindi ito pamalit sa tamang paggamot sa TB).”
Binalaan din ng PCP ang publiko na ang pagpapaliban ng gamutan ay maaaring magdulot ng pagkalat ng bacteria sa iba’t ibang bahagi ng katawan—na maaaring ikamatay.
Kaugnay nito, inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Department of Health (DOH) na bigyang-pansin ang paglutas sa TB sa buong bansa, lalo’t ang Pilipinas ang may pinakamataas na bilang ng kaso sa buong Western Pacific Region.
Batay sa datos ng World Bank, tinatayang umaabot sa 643 sa bawat 100,000 Pilipino ang nagkakaroon ng TB taun-taon, kabilang na ang mga bagong kaso at mga muling nagkaroon.
Ayon pa sa World Health Organization, umabot sa 739,000 ang bagong kaso ng TB sa bansa noong 2022, kabilang ang 30,000 kaso mula sa mga taong may HIV.
Bilang tugon, pinaigting ng DOH ang kampanya nito para sa mas aktibong pagtukoy at paggagamot ng mga kaso upang mapababa ang bilang ng nahahawaan.
Larawan: CDC/Unsplash