Pilipinong anak ng mga sundalong Hapon, patuloy sa paghahanap ng kanilang ‘roots’
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-08-15 13:18:37
AGOSTO 15, 2025 — Sa gitna ng madilim na yugto ng World War II, hindi lang digmaan ang naiwan sa Pilipinas kundi pati mga kwento ng pag-ibig, pagkawala, at paghahanap ng identidad.
Isang 82-anyos na lalaki, si Jose Villafuerte, ang wala nang hihigit pang saya nang matagpuan ang puntod ng kanyang Hapon na ama — ang sundalong si Ginjiro Takei — sa Japan. Ipinanganak si Villafuerte matapos umuwi ang ama sa Japan noong panahon ng digmaan, at halos buong buhay niya itong hinanap.
"I'm excited. My mother had spent years trying to make this happen," sabi ni Villafuerte, na ngayon ay may pagkakataon nang bisitahin ang puntod ng ama kasama ang kanyang anak.
(Nasasabik ako. Taon ang inubos ng aking ina para magkatotoo ito.)
Sa tulong ng Philippine Nikkei-jin Legal Support Center (PNLSC), nakita rin niya ang kanyang mga kapatid sa Japan, at posibleng makakuha siya ng Japanese passport.
Pero hindi lang si Villafuerte ang may ganitong kwento. Mahigit 3,000 "Nikkei-jin" — mga anak ng mga Hapon na nanirahan sa Pilipinas bago o noong digmaan — ang patuloy na naghahanap ng kanilang mga roots.
"Time is running out," sabi ni Norihiro Inomata, country director ng PNLSC.
(Nauubusan na tayo ng oras.)
Sa mahigit kumulang 100 na natitirang buhay sa kanila, ang pinakamatanda ay 97 anyos na.
Para naman kay Maria Corazon Nagai, isang 82-anyos na tindera sa Maynila, ang paghahanap sa kanyang identidad ay matagal din niyang pinaghirapan. Anak siya ng isang Hapon na civil engineer, at noong bata pa siya, tinago niya ang kanyang lahi dahil sa pang-aapi.
"I'm happy now that I've found my identity," sabi ni Nagai, na nagbakasyon na sa Japan at handang bumalik.
(Masaya na ako ngayong nahanap ko na ang identidad ko.)
Sa kabila ng masalimuot na kasaysayan, nagbabago na ang pananaw ng maraming Pilipino sa Japan — mula sa dating kaaway, naging kaibigan at kakampi na ito ng bansa.
Para kay Villafuerte, mahalaga ang nakaraan, pero mas mahalaga ang kasalukuyan.
"The past is past, and I have accepted that this is how I lived my life," aniya.
(Tapos na ang nakaraan, at tanggap ko na ang naging buhay ko.)
Sa mga kwentong tulad nito, patuloy na nagiging buhay ang kasaysayan — hindi lang bilang paalala ng nakaraan ng digmaan, kundi ng pag-asa at paghilom.
(Larawan: Facebook)
