Goodbye Kapamilya, hello Kapatid! Andrea Brillantes, pumirma na sa TV5
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-10-25 04:16:17
Oktubre 25, 2025 – Certified Kapatid na nga si Andrea Brillantes!
Matapos ang ilang buwang espekulasyon kung lilipat ba siya sa GMA o mananatiling Kapamilya, tuluyan nang lumundag si Blythe sa TV5 sa ilalim ng MQuest Ventures na pagmamay-ari ni Manny Pangilinan.
Sa contract signing na ginanap nitong Oktubre 23, kasama ni Andrea sina MVP, ilang ehekutibo ng TV5, at ang kanyang longtime manager na si Shirley Kuan. Dito na nga pinasaya ni Andrea ang mga Kapatid fans, sabay pasilip sa bago niyang journey bilang bahagi ng MQuest family.
“Excited po ako sa mga bagong proyekto—lalo na sa mga pelikula,” sabi ni Andrea sa panayam ni TV5 reporter MJ Marfori. Ayon sa young actress, gusto muna niyang magpahinga sa teleserye at mag-focus sa paggawa ng movies, lalo na sa action genre na matagal na niyang gustong subukan.
Matatandaang huling napanood si Andrea sa “FPJ’s Batang Quiapo” bilang isa sa mga love interests ni Tanggol (Coco Martin). Dito rin nagsimula ang usap-usapan na baka lumipat siya ng network matapos mawala ang karakter niya sa show.
Maraming netizens ang nagulat nang sa TV5 pala siya napunta, dahil halos lahat ng tsika noon ay patungong GMA ang aktres.
Kung matatandaan, Pebrero 2025 nang kumalas si Andrea sa Star Magic, na nagmarka ng pagtatapos ng mahigit isang dekadang pagiging Kapamilya. Pero sa kabila nito, sinabi ni Blythe noon na “new era” daw ito para sa kanya—bukas siya sa mas malawak na oportunidad sa industriya.
Unang nakilala si Andrea bilang child actress sa remake ng teleseryeng “Annaliza” noong 2013 sa ABS-CBN. Simula noon, sunod-sunod na ang mga proyekto niya tulad ng Kadenang Ginto, Lyric and Beat, at Senior High—na nagpapatunay sa kanyang versatility bilang aktres.
Ngayon, isang panibagong yugto naman ang haharapin ni Blythe—at mukhang handang-handa na siyang magpaka-Kapatid ng Bayan!
Larawan mula sa Tv5
