Diskurso PH
Translate the website into your language:

TBA Studios, nagsalita na matapos ang mainit na “clapback” ng apo ni Manuel L. Quezon sa pelikulang 'Quezon'

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-10-25 04:03:16 TBA Studios, nagsalita na matapos ang mainit na “clapback” ng apo ni Manuel L. Quezon sa pelikulang 'Quezon'

Oktubre 25, 2025 – Matapos umani ng kontrobersya ang viral video ng apo ni dating Pangulong Manuel L. Quezon na si Ricky Quezon Avanceña, kung saan binatikos niya nang harapan ang direktor na si Jerrold Tarog at ang cast ng pelikulang “Quezon,” nagsalita na ang TBA Studios—ang film outfit sa likod ng nasabing historical movie.

Sa opisyal na pahayag ng TBA Studios ngayong Biyernes, nilinaw nila na ang pelikula ay “nakabatay sa mga sinuring tala ng kasaysayan,” kabilang na ang autobiography ni Quezon at iba pang reputable sources.

“Habang iginagalang namin ang kanyang saloobin, nais naming idiin na ang pelikulang ‘Quezon’ ay nakaugat sa mga napatunayan at dokumentadong pangyayari sa kasaysayan,” ayon sa kanilang pahayag sa social media.

Aminado naman ang production outfit na may ilang bahagi sa pelikula ang ginawang ‘fictionalized’ o dramatized para sa mas malalim na thematic storytelling, ngunit iginiit nilang madaling mapatunayan ang mga pangunahing datos na ginamit sa pelikula.

 “Upang mas mapalalim ang pag-unawa ng publiko, naglabas din kami ng Study Guide at Companion Book na naglalaman ng listahan ng mga aklat at sangguniang ginamit sa research ng pelikula,” dagdag ng TBA Studios.

Kasabay nito, hinikayat ng studio ang publiko na panoorin mismo ang pelikula at bumuo ng kanilang sariling opinyon.

“Hinihikayat namin ang lahat na panoorin ang ‘Quezon’ at makibahagi sa patuloy na pag-uusap tungkol sa ating kasaysayan at kung paano ito patuloy na umaalingawngaw sa kasalukuyan,” pahayag pa nila.

Matatandaang sa Q&A portion ng isang special screening ng “Quezon” ay nagalit si Ricky Quezon Avanceña at diretsahang sinermunan si Tarog at ilang miyembro ng cast.

 “What you have opened, Mr. Tarog, is a Pandora’s box,” giit ni Avanceña.

“Hindi n’yo alam ang ginawa n’yo. Dahil gusto n’yo lang kumita at sumikat, sinalaula n’yo ang alaala ng pamilyang nagbuwis ng buhay.”

Sa video na kumalat sa social media, makikitang itinapon pa ni Avanceña ang mikropono bago umalis ng venue.

Makalipas ang insidente, muling nagsalita ang apo ni Quezon sa social media at sinabing:

“I’m not saying don’t watch the movie… Hayaan na natin kumita ‘yung mga bayarang p*** na ‘yan. Watch it, then join me in a social media defense, mga Quezon followers.”

Dagdag pa niya, “Nobody said he was a hero… He was a President, and the best ever—most incorruptible.”

Ang “Quezon” ang panghuling bahagi ng tinaguriang “Bayaniverse Trilogy” ni Tarog—kasunod ng “Heneral Luna” at “Goyo: Ang Batang Heneral.”

Tampok dito si Jericho Rosales bilang Quezon, na nagsalaysay ng buhay ng dating pangulo mula sa pagiging abogado at sundalo, hanggang sa pagiging Presidente ng Commonwealth ng Pilipinas (1935–1944).

Ang pelikula ay kasalukuyang palabas sa mahigit 400 sinehan sa buong bansa.