Karla Estrada, todo-suporta sa anak na si Lella Ford na bagong housemate ng 'Pinoy Big Brother'
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-10-28 20:15:15
Oktubre 28, 2025 – Todo ang ipinakitang suporta ni Karla Estrada sa anak niyang si Lella Ford, ang bunsong kapatid ni Daniel Padilla, matapos itong opisyal na pumasok sa Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition 2.0 bilang isa sa mga bagong housemates.
Sa kanyang Instagram account, ibinahagi ng singer-host ang isang clip mula sa episode ng PBB kung saan makikitang emosyonal si Lella habang ibinabahagi ang kanyang hangarin na makilala sa sariling pangalan, hiwalay sa tagumpay ng kanyang pamilya sa showbiz.
“Ayoko lang na nasa shadow na lang ako lagi ng family ko,” ani Lella sa nasabing episode.
Aminado rin ang 18-anyos na Kapamilya star na hindi niya inaasahang mapipili siya bilang housemate, ngunit masaya raw siya dahil ito ay isang bagay na tunay niyang maipagmamalaki.
“Honestly, hindi ko inexpect na mapupunta ako dito sa PBB kasi somehow, may maipagmamalaki na rin ako sa mga tao—ito naman yung achievement ko,” dagdag ni Lella.
Ipinahayag naman ni Karla kung gaano siya ka-proud sa anak, sabay mensaheng puno ng pagmamahal at inspirasyon.
“Kahit ano pa man anak ang gusto mo sa buhay ay never kang magiging shadow… lahat ay may sariling ilaw na someday ay magbubukas, at ‘yung someday na ‘yun anak, ay ngayon na,” mensahe ni Karla.
“We love, support, and we’re proud of you always,” dagdag pa niya.
Sa hiwalay na post, ibinahagi rin ni Karla kung gaano niya nami-miss si Lella na halos isang linggo nang nasa loob ng bahay ni Kuya.
“I miss our cuddles anak! Shocks, wala ka pang 1 week d’yan! @carmellaford__ love you,” ani niya.
Si Lella, na tinaguriang “Ang Blooming Bunso ng Tacloban,” ay determinadong ipakita ang kanyang kakayahan at personalidad sa loob ng PBB house, habang patuloy na sinusubaybayan ng mga fans ang kanyang journey gabi-gabi.
