Diskurso PH
Translate the website into your language:

Donny Pangilinan at Kyle Echarri, nagkasakitan sa taping ng bagong seryeng 'Roja'

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-11-10 10:26:03 Donny Pangilinan at Kyle Echarri, nagkasakitan sa taping ng bagong seryeng 'Roja'

Nobyembre 10, 2025 – Pasabog at puno ng aksyon ang bagong handog ng ABS-CBN na Roja, tampok sina Donny Pangilinan at Kyle Echarri, na parehong sumabak sa mga delikadong eksena sa kanilang unang sabayang action-drama series.

Sa ginanap na special preview ng Roja sa Trinoma, inamin nina Donny at Kyle na literal na nagkasakitan sila sa mga eksenang kanilang ginawa. Sa kabila ng pagkakaroon ng stunt doubles, mas pinili umano ng dalawang aktor na gawin mismo ang karamihan ng kanilang mga stunts.

Ayon kay Donny, kahit inaawat siya ng kanyang mga kapatid dahil sa panganib ng mga eksena, itinuloy pa rin nila ang mga ito bilang bahagi ng kanilang dedikasyon sa proyekto. “Kinaya namin kahit may mga sugat at pasa. Part na talaga ’yon ng trabaho,” pahayag ng aktor.

Ibinahagi rin ni Kyle na dumaan sila sa matinding training sa martial arts tulad ng jiu-jitsu at arnis, pati na sa tamang paghawak ng baril. “Blood, sweat, and tears talaga ang puhunan namin dito,” ani Kyle, na tinawag ang kanilang taping bilang “battle of scars.”

Sa Roja, ginagampanan ni Donny ang karakter ni Liam, isang head chef ng island resort, habang si Kyle naman ay si Olsen, miyembro ng security team ng resort. Magkaibigan dati ang dalawa ngunit nauwi sa matinding alitan matapos malaman ni Liam na may kabit ang kanyang ama (Raymond Bagatsing) at matagal na pala itong tinatago ni Olsen.

Kasabay ng kanilang personal na banggaan, mababalot ng tensyon ang engrandeng La Playa Roja resort matapos itong sakupin ng isang armadong grupo sa pangunguna ng mga karakter nina Yassi Pressman at Joel Torre. Dahil sa krisis, mapipilitang magtulungan sina Liam at Olsen upang iligtas ang mga bihag, kabilang ang mga bisita at kawani ng resort.

Kasama rin sa Roja sina Maymay Entrata bilang Luna, best friend ni Liam; Janice de Belen, Lorna Tolentino, Sandy Andolong, Robert Seña, Nikki Valdez, Cris Villanueva, Zia Grace, Bernard Palanca, Marc Abaya, Gello Marquez, Harvey Bautista, Lou Yanong, Kobie Brown, Benedict Cua, Iñigo Jose, Maika Rivera, AC Bonifacio, Emilio Daez, Xilhouete, Kai Montinola, Rubi Rubi, Sophie Reyes, Rikki Mae Davao, Inka Magnaye, Vangie Castillo, Levi Ignacio, Floyd Tena, Rans Rifol, Igi Boy Flores, at Raven Molina.

Mula sa direksyon nina Lawrence Fajardo, Rico Navarro, Andoy Ranay, at Raymund Ocampo, ang serye ay kinunan pa sa Misibis Bay, Bicol, dahilan ng kaunting pagkaantala sa produksiyon.

Unang mapapanood ang Roja sa Netflix simula Nobyembre 21, susundan sa iWantTFC sa Nobyembre 22, at sa Kapamilya Channel, A2Z, at TV5 sa Nobyembre 24 ng 8:45 p.m.

Dumalo rin sa preview night si Belle Mariano bilang suporta sa kanyang ka-loveteam na si Donny Pangilinan.