Team Philippines, tuluyan nang na-eliminate sa ‘Physical: Asia’; fans, proud pa rin sa tapang ng Pinoy competitors
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-11-11 23:16:27
Nobyembre 11, 2025 – Matapos ang ilang linggong intense na laban at pagpapakita ng tunay na fighting spirit, tuluyan nang nagwakas ang laban ng Team Philippines sa Netflix global reality competition na Physical: Asia.
Sa Episode 7 ng hit series, naganap ang emosyonal at matinding “sack toss” challenge kung saan nakaharap ng mga Pinoy ang home-team na South Korea. Sa kabila ng kanilang buong pusong pagsusumikap, hindi sapat ang oras para maagaw ang panalo— dahilan para tuluyan silang ma-eliminate sa kompetisyon.
Ang team ay binubuo ng mga atletang Pinoy na sina Mark “Mugen” Striegl (MMA fighter), Ray Jefferson Querubin (strongman athlete), Robyn Lauren Brown (track and field hurdler), Lara Liwanag (CrossFit athlete), Justin Coveney (rugby player), at Justin Hernandez (CrossFit athlete na pumalit kay Manny Pacquiao).
Nagsimula ang Physical: Asia journey ng Pilipinas sa pangunguna ni boxing legend Manny Pacquiao, na unang nagsilbing team captain. Ngunit sa Episode 5, napilitan si Pacquiao na umalis sa kompetisyon dahil sa mga naunang commitments sa bansa.
Pumalit sa kaniya bilang leader ang Justin Coveney, habang ang bagong miyembro na si Justin Hernandez ang naging karagdagang lakas ng grupo. Sa huling laban ng Quest 3, si Hernandez rin ang napiling kumatawan sa Team Philippines sa final challenge.
Sa huling round ng Quest 3, hawak ng Team Australia ang 8 puntos, habang tabla naman ang Pilipinas at South Korea sa tig-5 puntos. Dito nagpasya ang tadhana—kailangang maghagis si Hernandez ng mabibigat na sandbags para maabot ang flag sa itaas ng isang mataas na pader.
Sa kabila ng walang kapantay na effort at determinasyon, kinapos ng ilang segundo si Justin. Dahil dito, nakapasok sa susunod na round ang Australia at South Korea, habang tuluyan nang nagwakas ang laban ng Team Philippines.
Bagamat na-eliminate, hindi napigilan ng mga netizens at fans na magpahayag ng kanilang pagmamalaki sa Team Philippines. Sa social media, bumuhos ang mga mensaheng puno ng suporta para sa mga atletang nagdala ng bandila ng Pilipinas sa international stage.
“Hindi man nanalo, panalo pa rin sa puso ng mga Pinoy!” ang komento ng isang netizen.
“Laban kung laban! Saludo sa tapang at puso ng Team Philippines,” dagdag pa ng isa.
Ang Physical: Asia ay isang high-intensity reality competition kung saan nagsasama-sama ang pinakamalalakas at pinakatatag na atleta mula sa iba’t ibang bansa sa Asya. Sa bawat “Quest,” sinusubok hindi lamang ang lakas ng katawan, kundi pati ang tibay ng loob at teamwork ng bawat kalahok.
Kahit hindi na nakapasok sa finals, nagmarka sa mga manonood ang ipinakitang disiplina at sportsmanship ng mga Pinoy representatives.
“Team Philippines may be out, but they went down fighting — with heart, courage, and unity,” ayon sa isang viewer sa X (dating Twitter).
Habang nagpapatuloy ang Physical: Asia, marami ang umaasang muling makikita sa susunod na season ang mga Pinoy athletes, na siguradong magdadala na naman ng inspirasyon at karangalan sa bansa.
“Hindi ito pagtatapos, kundi simula pa lang ng mas matinding pagbabalik,” sabi ng ilang fans online.
