Ogie Diaz, dinepensahan si Heart Evangelista sa viral na ‘Bading amp*ta’ post — patama nga ba kay Vice Ganda?
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-11-23 04:46:25
Nobyembre 23, 2025 – Nagkainitan na naman ang mga netizens matapos mag-viral ang Instagram story ni Heart Evangelista kung saan nabasa ang kontrobersiyal na linyang “Bakla amp*ta.” At gaya ng inaasahan, agad itong iniuugnay ng ilan kay Vice Ganda. Pero bago pa tuluyang lumala ang spekulasyon, dumepensa na si Ogie Diaz para kay Heart.
Sa bagong episode ng Ogie Diaz Showbiz Update na inilabas nitong Nobyembre 21, tinalakay nila ng co-hosts ang naturang IG story na naging mitsa ng pag-aalboroto sa comment section online.
Ayon kay Ogie, wala namang direktang binanggit na pangalan si Heart kaya hindi dapat agad naghuhusga ang publiko. Pero dahil may ilang netizens na nagkomento na ang pinatatamaan daw ng Kapuso star ay si Vice Ganda, nagsunud-sunod na raw ang mga spekulasyon.
“Sa comment section naman, parang ang pinatutungkulan doon ni Heart ay si Vice Ganda kaya ayan sunod-sunod ‘yong mga comment,” kwento ni Ogie.
Netizens, naglabasan ang matitinding komento
Isa-isa pang binasa ni Ogie ang maaanghang na komento ng ilang netizens:
“Kung para yan kay Vice, ewan ko talaga sayo Puso. Concentrate ka sa asawa mong may issue.”
“At least alam na bading si Vice… ikaw parang bading daw pero hindi umaamin.”
“At least yung pinatatamaan niya may ambag sa lipunan… ikaw bags lang ambag.”
“Nagbabayad ng tamang buwis… doon pa lang talo na si Heart.”
“At least tumutulong si Vice, halos araw-araw nagbibigay sa Showtime.”
Dahil dito, sinabi ni Ogie na minsan ay isang comment lang ang kailangan para ma-fuel ang tsismis online.
“’Yon ang mahirap sa netizens. Kapag inumpisahan ng unang comment na si Vice, sunod-sunod na ’yon,” ani Ogie.
Ogie: Wag agad mag-assume, wala pang nililinaw si Heart
Giit niya, wala pang malinaw na pinatutungkulan si Heart kaya hindi dapat siya agad hinuhusgahan.
“Hindi naman natin alam kung sino ’yong tinutukoy ni Heart… Hindi sa pinagtatanggol ko si Heart pero kawawa rin siya kung nahuhusgahan siya agad.”
Dagdag pa niya, baka raw may simpleng paliwanag lang si Heart.
“Paano kung sabihin ni Heart na ‘hindi si Vice ’yon, naaliw lang ako sa cup’? Talo tayo.”
Biro pa ni Ogie, kung mismong si Heart na ang umamin na si Vice nga ang tinutukoy, “sasama daw siya sa inyo.”
Tahimik si Heart at Vice. Hanggang ngayon ay hindi na nag-post muli si Heart tungkol sa kontrobersiyal na cup na may nakasulat na “Bakla amp*ta,” at wala ring anumang reaksiyon si Vice Ganda sa isyu.
Samantala, trending pa rin ang nakaraang patutsada umano ng assistant ni Heart kay Vice at ang sagot naman ni Vice sa pinagmulan nilang alitan tungkol sa donasyon sa probinsya ni Heart.
Mukhang hindi pa matatapos ang isyang ito—pero habang walang sinasabi si Heart, mukhang fans na naman ang naglalaban para sa dalawang bigating personalidad!
