‘Sobrang saya ko!’ Jisoo kinilig sa Pinoy BLINKS
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-11-27 23:35:54
Nobyembre 27, 2025 – Hindi maitago ni Jisoo ng Blackpink ang kanyang tuwa matapos pasalamatan ang mga Pilipinong BLINKs kasunod ng matagumpay na “Deadline” concert ng grupo sa Philippine Arena noong Nobyembre 22 at 23. Mas lalo pang nag-ingay ang fandom nang mag-post ang K-pop star sa Instagram ng ilang larawan mula sa Bulacan shows—kasama ang isang caption na isinulat niya nang buong-buo sa Filipino, na agad ikinatuwa ng mga fans.
Sa kanyang mensahe, ibinahagi ng 30-anyos na singer-actress na parang bumalik siya sa kanyang kabataan dahil sa saya at tawa na naranasan niya sa Pilipinas. “Pilipinas, para talaga akong bumalik sa kabataan ko—ang dami kong tawa at sobrang saya ko,” ani Jisoo. Bumuhos ang komento ng mga fans na sobrang touched na piniling magsalita ng K-pop idol sa wikang Pilipino.
Binigyang-diin din ni Jisoo ang tinawag niyang “pink wave,” ang nakakabighaning eksena kung saan sabay-sabay na inialon ng mga manonood ang kanilang pink lightsticks, na nagmistulang dagat ng ilaw sa loob ng napakalaking arena. “Maraming salamat sa pagbibigay sa amin ng napakagandang alaala. Mahal ko kayo!” dagdag pa niya, na muling nagpaingay sa BLINK community.
Kasunod ng post ni Jisoo, naglabas din ang BLISSOO, ang agency na humahawak sa kanyang solo activities, ng isang Instagram Reel na naglalaman ng maiikling clips mula sa concert. Tampok dito ang malalakas na performances ng grupo, ang debut ng bago nilang kanta na “Jump,” at ang kani-kanilang solo stages na sinalubong ng hiyawan ng punong-punong audience.
Ang “Deadline” concert ay nagsilbing pagbabalik ng Blackpink sa Pilipinas matapos ang higit dalawang taon. Para kay Jisoo, ito na ang kanyang ikalawang balik-Pinas ngayong 2025, matapos ang kanyang successful solo fan meeting sa Araneta Coliseum noong Marso. Patunay lamang ito na hindi nawawala ang matinding suporta ng mga Pilipinong BLINKs sa grupo at sa kanilang mga solo proyekto.
Larawan: Jisoo Instagram
