Babala ng feng shui expert kay Kim Chiu tungkol sa pag-traydor, muling binuhay ng netizens matapos ang reklamo laban sa kapatid
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-12-03 22:54:26
Disyembre 3, 2025 – Muling naging usap-usap online ang isang lumang vlog ni Kim Chiu matapos nitong maghain ng reklamong qualified theft laban sa kanyang kapatid na si Lakambini “Lakam” Chiu nitong Martes.
Ang video clip, na mula sa Chinese New Year vlog ng aktres noong Pebrero 2024, ay nagpapakita ng konsultasyon ni Kim sa feng shui expert na si Johnson Chua sa Binondo. Sa vlog, kasama rin ni Kim ang kanyang ate Lakam—na ngayo’y respondent sa kasong isinampa ng aktres.
Ayon sa feng shui expert, may “robbery star” umano ang mga isinilang sa Year of the Horse—ang zodiac sign ni Kim.
“Ang problema kasi, when you talk about robbery, hindi lang pera ang ninanakaw, puwede ang trust,” pahayag ni Chua sa vlog.
Sa clip, makikitang tila kinakabahan si Kim at Lakam nang sabihin ni Chua na kailangan niyang mag-ingat sa traitors, backfighters, at mga “user.”
Naitanong ni Kim: “Anong tiwala ang mananakaw sa akin?”
Dagdag pa ni Chua, posibleng makaranas ang aktres ng mga taong mananamantala ngayong taon.
Sagot ni Kim: “Shucks, magkakaroon pala ako this year ng trust issues.”
Video muling binuhay habang umiinit ang isyu. Ngayong lumabas ang balitang pormal na nagreklamo si Kim laban sa sariling kapatid, mabilis na nag-viral ang naturang vlog clip. Maraming netizens ang nagsabing tila “premonition” ang payo ng feng shui expert, habang ang iba nama’y nagsabing “nakakakilabot” ang timing ng mga sinabi nito.
Kim: ‘Isa sa pinakamasakit na hakbang ng buhay ko’ Sa kanyang opisyal na pahayag na ipinadaan sa Star Magic, sinabi ni Kim na mabigat sa kalooban ang pagsasampa ng reklamo.
Inilahad ng aktres na nakita nilang nawawala ang “substantial amounts” na konektado sa kanyang mga negosyo at personal na assets — dahilan kaya napilitan siyang maghain ng kaso.
Panig ni Lakam, hinihintay pa. Nakipag-ugnayan ang ABS-CBN kay Lakam Chiu upang kunin ang kanyang panig. Ayon sa kanya, nakikipagpulong siya sa legal counsel at maglalabas ng opisyal na pahayag sa lalong madaling panahon.
Habang patuloy na nagiinit ang talakayan online, patuloy ding nagvi-viral ang lumang vlog clip na ngayon ay binibigyang bagong kahulugan ng publiko sa gitna ng sigalot sa pagitan ng magkapatid.
Larawan: Kim Chiu Youtube
