Ruby Rodriguez balak idemanda ang nagpapakalat ng pekeng balita tungkol sa kanya at kay Tito Sotto
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-12-05 12:44:12
Disyembre 5, 2025 – Nag-react nang mariin ang TV host at aktres na si Ruby Rodriguez matapos kumalat sa social media ang malisyosong balitang umano’y may relasyon siya kay Senate President Tito Sotto.
Sa isang post sa Facebook, ibinahagi ni Rodriguez ang screenshot ng pekeng balita mula sa isang vlogger na gumagamit ng username na Pinas Star. Nakasaad sa screenshot ang linyang: “Ruby Rodriguez, inilantad na ang anak nila ni Tito Sotto–buong tapang na paglalahad ng kanyang tunay na kwento.”
Ayon kay Ruby, labis siyang naapektuhan ng kumakalat na maling impormasyon, lalo na’t may pamilya at anak siyang maingat na pinoprotektahan.
“This malicious content is harming my family and innocent child. This is too much!” aniya sa caption. Idinagdag pa niya na agad siyang kumokonsulta sa kanyang abogado upang isampa ang angkop na kaso laban sa vlogger.
Marami sa kanyang followers at netizens ang sumuporta sa kanya sa comment section, at nanawagan na mapanagot ang gumagawa ng mga pekeng balita. Ilan sa mga nabanggit:
“Sampulan mo Ms. Ruby. Napaka malisyoso makapag-content lang.”
“Ruby, it’s time to get a lawyer and sue these people. Why are they spreading lies? That’s clearly defamation.”
“Maraming Content Creator na gusto kumita kahit sa maling paraan. Below the belt na umatake, puro Fake news at Clickbait lang. Dapat talaga masampulan na mga yan!”
Matatandaang mahigit 31 taon nang naging co-host si Ruby sa Eat Bulaga, kasama sina Tito Sotto, Vic Sotto, Joey de Leon, at iba pang Dabarkads. Taong 2021 nang pansamantalang manirahan at magtrabaho sa Estados Unidos si Ruby upang maipagamot ang bunsong anak na may special needs.
Sa ngayon, tiniyak ni Ruby na seryoso siyang kumikilos laban sa pagpapakalat ng maling impormasyon upang maprotektahan ang kanyang pamilya at pangalan.
