Chavit Singson makikipagpulong sa Miss Universe Organization; posibleng bilhin at pamunuan ang prestihiyosong pageant
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-12-16 20:06:35
Disyembre 16, 2025 – Nilinaw ni dating Ilocos Sur Governor at negosyanteng si Luis “Chavit” Singson ang kumakalat na tsismis na tumanggi na raw siyang bilhin ang Miss Universe Organization (MUO).
Sa isang eksklusibong panayam, sinabi ni Singson na wala pa siyang tinatanggihan pagdating sa posibilidad ng pagbili ng Miss Universe Organization. Ayon sa kanya, nakatakda siyang makipagkita sa mga opisyal ng MUO sa susunod na buwan upang pag-usapan at pag-negosasyon ang mga termino ng posibleng pagbili.
“Hindi pa final ang lahat, pero pupunta sila rito next month,” pahayag ni Singson.
Aminado rin si Singson na ang mga kamakailang isyu ng Miss Universe Organization na kinasasangkutan ng Thailand at Mexico ang isa sa mga nagtulak sa kanya upang makialam at magpakita ng interes sa pamamahala ng prestihiyosong pageant.
“Nagkaroon sila ng problema kamakailan, kaya sinabi ko sa anak ko na kontakin ang Miss Universe. Gusto kong bilhin at patakbuhin ang Miss Universe Organization,” ani Singson.
Dagdag pa niya, darating sa Pilipinas ang mga kinatawan ng Miss Universe Organization sa susunod na buwan, na posibleng maging simula ng mas malalim na usapan ukol sa kanyang pagpasok bilang bagong may-ari o pinuno ng pandaigdigang patimpalak.
“Puwede kong patakbuhin ang Miss Universe. Puwede ko rin itong bilhin,” giit ni Singson.
Kung matutuloy, ito ang kauna-unahang pagkakataon na isang Pilipino ang posibleng mamuno o maging may-ari ng Miss Universe Organization, isang hakbang na tiyak na magdadala ng malaking atensyon hindi lamang sa lokal kundi maging sa international pageant community.
Sa ngayon, hinihintay pa ang pormal na resulta ng nalalapit na pulong, na inaasahang magbibigay-linaw kung tuluyan ngang papasok si Chavit Singson sa mundo ng Miss Universe.
