Fuschia Anne Ravena, PH pride sa Miss Grand International All Stars edition
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-12-19 20:50:07
Disyembre 19, 2025 – Certified PH pride moment! Opisyal nang pinangalanan si Fuschia Anne Ravena bilang Philippine delegate sa kauna-unahang Miss Grand International (MGI) All Stars Edition, ayon sa anunsyo ng international pageant organization.
Sa kanilang Facebook page, buong pagmamalaking ipinakilala ng MGI si Fuschia bilang kinatawan ng bansa—isang reyna na hindi lang beauty ang dala, kundi adbokasiya at liderato. Sa edad na 30, kilala si Fuschia bilang isang transgender Filipina na aktibong nagsusulong ng compassion, inclusion, at equality.
Ayon pa sa MGI, si Fuschia ay isang malakas na boses para sa LGBTQ+ rights at gender equality, bukod pa sa pagiging matagumpay na beauty industry entrepreneur at may-ari ng isang premier aesthetic clinic. Para sa pageant, siya ang ehemplo ng “beauty with purpose,” na may malinaw na misyon at pangmatagalang impact.
Hindi na rin baguhan si Fuschia sa international stage. Matatandaang siya ang nag-uwi ng korona bilang Miss International Queen 2022, isa sa mga pinaka-prestihiyosong pageants para sa transgender women sa buong mundo.
Mas lalong uminit ang excitement nang ianunsyo kamakailan ng MGI ang paglulunsad ng All Stars Edition, na bukas para sa lahat ng kababaihan at transwomen na dati nang lumahok sa anumang international pageant. Isang tunay na clash of queens ang inaasahan!
Gaganapin ang mga aktibidad at hamon mula January 26 hanggang February 7, kung saan sasalang ang mga kalahok sa iba’t ibang travel missions, photoshoots, fashion shows, at iba pang pasabog na challenges.
Sa pag-akyat ni Fuschia Anne Ravena sa MGI All Stars stage, malinaw ang mensahe: handa na naman ang Pilipinas na ipakita sa mundo ang ganda, tapang, at paninindigan ng isang tunay na reyna.
