MMFF 2025 floats pinag-usapan, Unmarry nanguna sa papuri ng netizens
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-12-19 21:23:59
Disyembre 19, 2025 – Agaw-eksena sa isinagawang MMFF 2025 parade ang kanya-kanyang floats ng mga pelikulang kasali ngayong taon. Bukod sa pagbida ng mga artista, naging usap-usapan din sa social media kung alin ang pinakabongga, pinaka-malikhaing disenyo, at alin naman ang tila minadali.
Kabilang sa mga pelikulang may kani-kaniyang floats ang I’m Perfect, Call Me Mother, Rekonek, Love You So Bad, Shake, Rattle & Roll: Evil Origins, Manila’s Finest, Bar Boys: After School, at Unmarry.
Pero base sa reaksiyon ng netizens, malinaw na standout ang float ng Unmarry. Marami ang humanga sa tema at dekorasyon nito na swak na swak umano sa pamagat ng pelikula. Ayon sa ilang komento, ramdam ang effort at budget, kaya hindi nakapagtatakang isa ito sa mga pinakapinuri ng publiko.
Hindi rin nagpahuli ang I’m Perfect, na tinawag ng ilang netizens na simple pero may dating. May mga nagsabing halatang ginastusan at pinag-isipan ang konsepto, kaya madaling tumatak sa mata ng mga nanood.
Samantala, may ilang floats naman na hindi gaanong naka-impress sa ilan. May netizens na nagsabing ang floats ng Bar Boys: After School, Call Me Mother, at Love You So Bad ay tila project lamang umano sa high school, habang ang Shake, Rattle & Roll: Evil Origins ay pinuna rin ng ilan dahil mukhang minadali raw ang pagkakagawa.
Sa kabila nito, may mga pumabor din sa float ng Manila’s Finest, na ayon sa ilang komento ay maayos ang execution at may impact kahit hindi overly flashy.
Sa kabuuan, naging patunay ang MMFF 2025 floats na bukod sa pelikula mismo, mahalaga rin sa publiko ang presentasyon at creativity. At base sa reaksyon ng netizens, mukhang maagang panalo sa audience recallang Unmarry.
