Kiray Celis, inintriga matapos ang bonggang kasal—ginawa nga bang “negosyo” ang pag-iisang dibdib?
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-12-21 21:03:16
Disyembre 21, 2025 – Usap-usapan pa rin hanggang ngayon ang engrandeng kasal ng dating Goin’ Bulilit star na si Kiray Celis at ng kanyang longtime partner na si Stephan Estopia. Pero imbes na puro pagbati at kilig ang umani, hindi maiwasang madagdagan ng intriga ang masayang okasyon—dahil umano sa sobrang bigating listahan ng kanilang mga ninong at ninang.
Sa pinakabagong episode ng “Showbiz Updates”, ibinahagi ng showbiz insider na si Ogie Diaz na may ilang netizens na nagtaas ng kilay sa pagkakaroon ng halos 30 pares ng principal sponsors ng bagong kasal. Ayon sa mga ito, tila raw “masyadong bongga” ang entourage ng mga ninong at ninang, na kinabibilangan ng mga personalidad mula sa mundo ng politika at showbiz.
May ilan pang netizens na nagbiro—o mas tamang sabihing naghanash—na baka raw ginawa nang negosyo ang kasal nina Kiray at Stephan.
“May mga nagsasabing parang investment daw ang kasal—namuhunan, tapos tumubo pa dahil sa mga sponsors,” sey ni Ogie habang binabasa ang ilan sa mga komento online.
Kabilang sa mga prominenteng ninong at ninang ng dalawa sina Sen. Bong Go, Chavit Singson, Vice Ganda, Dingdong Dantes, Marian Rivera, Boy Abunda, Isko Moreno, Cory Vidanes, Melai Cantiveros, Jason Francisco, at marami pang iba—kaya naman hindi na rin nakapagtataka kung bakit agad itong napansin ng publiko.
Pero hindi rin pinalampas ni Ogie ang mga bashers. Sa halip, dere-deretso niyang pinuna ang pagiging pakialamero ng ilan.
“Nakakatawa talaga ‘yung ibang netizens. Nakikibalita na nga lang, wala namang ambag, wala ring regalo—nanghuhusga pa!” banat ni Ogie.
Dagdag pa niya, desisyon ng bagong kasal kung sinu-sino ang kukunin nilang ninong at ninang.
“Buhay nila ‘yan. Okasyon nila ‘yan. Kung gusto nila ng bigatin, choice nila ‘yon. Edi magpakasal din kayo at subukan n’yo ring kunin sila kung papayag!” biro pa niya.
Sa kabila ng intriga, tiniyak ni Ogie na mas mahalagang pagtuunan ng pansin ang pagmamahalan at bagong yugto ng buhay nina Kiray at Stephan.
“Congratulations and best wishes sa inyong dalawa. Hayaan n’yo na ang bashers—kaya nga sila bashers,” saad pa niya.
Samantala, tila walang kaabog-abog ang bagong kasal sa mga usap-usapan. Ayon sa mga nakakaalam, busy ang dalawa sa kanilang honeymoon sa Amanpulo, patunay na mas pinipili nilang i-enjoy ang kanilang bagong buhay-mag-asawa kaysa patulan ang ingay sa social media.
Sa huli, isang bagay lang ang malinaw: bongga man o simple, ang kasal ay pagdiriwang ng pag-ibig—at para kina Kiray at Stephan, walang intriga ang kayang sumapaw sa kanilang kasiyahan.
Larawan: Senyora Facebook Page
