Diskurso PH
Translate the website into your language:

Herlene Budol, hindi nagtampo nang hindi mapiling ninang ng anak ni Bea Borres: 'Mas naintindihan ko pa nga'

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-12-23 23:11:11 Herlene Budol, hindi nagtampo nang hindi mapiling ninang ng anak ni Bea Borres: 'Mas naintindihan ko pa nga'

Usap-usapan kamakailan sa social media ang naging eksena sa vlog ni Bea Borres kung saan magalang niyang tinanggihan ang alok ni Herlene Budol na maging isa sa mga ninang ng kanyang unang anak. Gayunman, nilinaw ng Kapuso star na si Herlene na walang sama ng loob sa pagitan nila at hindi siya nasaktan sa desisyon ng soon-to-be mom.

Sa panayam ni Boy Abunda sa “King of Talk” earlier this week, diretsahang sinagot ni Herlene ang isyu at ipinaliwanag ang tunay na dahilan kung bakit niya gustong maging ninang.

Ayon sa dating beauty queen, hindi niya intensyong mag-volunteer dahil sa pagiging “sobrang close” nila ni Bea. Sa halip, nais lamang daw niyang maging isang protektor sa kaibigan, lalo na sa panahong maselan ang pinagdadaanan nito.

“Gusto ko mag-ninang kasi parang kulang siya ng protektor. Kulang siya ng taong magpoprotekta sa kanya—may camera man o wala—bilang isang kaibigan,” paliwanag ni Herlene.

Matatandaang sa isang vlog, sinabi ni Bea na puno na ang listahan ng ninong at ninang, bagay na naging mitsa ng reaksyon ng ilang netizens. Sa kalaunan, naglabas din ng pahayag si Bea upang linawin na wala siyang intensyong makasakit at mahal niya si Herlene bilang kaibigan.

“First trimester pa lang, may listahan na ako ng ninongs at ninangs. Love ko si Ate Herlene,” ani Bea sa kanyang social media post.

Nang tanungin kung nasaktan ba siya, naging tapat si Herlene at sinabing hindi siya nasaktan, bagama’t aminado siyang napahiya sa naging sitwasyon—lalo na nang paulit-ulit siyang ma-tag ng netizens sa isyu.

“Hindi naman ako nasaktan. Napahiya lang ako. Hindi ko nga siya naisip nung una. Natutunan ko na lang na minsan, huwag na lang mag-volunteer sa ganitong bagay,” ani Herlene.

Sa kabila ng ingay sa social media, iginiit ng “Hipon Girl” na walang hidwaan sa pagitan nila ni Bea at mas lalo pa niyang naunawaan ang desisyon nito bilang isang ina.

“Hindi ako naging against sa sagot niya sa akin. Hindi sumama ang loob ko. Mas naiintindihan ko pa nga,” pagtatapos ni Herlene.

Matatandaang inanunsyo ni Bea Borres ang kanyang pagbubuntis earlier this year—isang rebelasyong ikinagulat ng marami. Nilinaw rin niyang hiwalay na siya sa ama ng kanyang magiging anak bago pa man niya isapubliko ang balita.

Sa huli, parehong iginiit nina Herlene at Bea na maayos ang kanilang samahan, at ang isyu ay mas pinalaki lamang ng mga reaksyon online—isang patunay na hindi lahat ng viral ay may lalim sa totoong buhay.