Diskurso PH
Translate the website into your language:

‘Lahat tayo pinagpapawisan!’ Zack Tabudlo, diretsahang sinagot ang isyu sa ‘amoy’ matapos ang UST Paskuhan 2025

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-12-23 22:46:37 ‘Lahat tayo pinagpapawisan!’ Zack Tabudlo, diretsahang sinagot ang isyu sa ‘amoy’ matapos ang UST Paskuhan 2025

Hindi pinalampas ng singer-songwriter na si Zack Tabudlo ang mga kumalat na intriga kaugnay ng kanyang naging performance sa UST Paskuhan 2025, kung saan napagtuunan ng pansin hindi lang ang kanyang musika kundi maging ang kanyang itsura at pagiging pawisin habang nasa entablado.

Sa isang apat na minutong TikTok video na ibinahagi niya nitong Disyembre 23, naging bukas at prangka si Zack sa pagbabahagi ng kanyang saloobin hinggil sa mga negatibong bansag na matagal na raw niyang kinakaharap sa industriya—mula sa kanyang hitsura, pananamit, ugali, hanggang sa isyu tungkol sa kanyang amoy.

Ani Zack,

“I'm painted in social media as this smelly, ugly kid, who has an attitude, who is always late, who doesn't dress well, who is fat, ugly, and can't sing.”

Ayon sa hitmaker ng “Binibini” at “Habang Buhay,” masakit mang pakinggan, matagal na raw siyang nasasanay sa ganitong klaseng paghusga. Gayunman, aminado siyang may mga pagkakataong mabigat pa rin itong dalhin, lalo na kapag nadidiskubre niyang isang maliit na detalye lamang ay puwedeng palakihin at gawing batayan ng panghuhusga sa buong pagkatao ng isang artista.

Dagdag pa niya, tila nagiging mapanganib na lugar na ang social media para sa mga taong nais lamang magpahayag ng sarili at ipakita ang kanilang talento.

“Because with one comment that blows up, you're now a pain in the ass to this person,” paliwanag pa ni Zack.

Sa kabila nito, ginamit ni Zack ang kanyang platform hindi upang makipagbangayan, kundi upang magbigay ng paalala at mensahe ng pagiging makatao.

“We’re all human at the end of the day,” ani niya.

“Lahat tayo tumatae, lahat tayo pinagpapawisan, lahat tayo nagkakamali sa buhay. Being nice isn’t the hardest thing to do. Be nice, guys.”

Matatandaang sa mga kumalat na video mula sa UST Tiger Radio, makikitang todo-bigay si Zack sa kanyang performance habang basang-basa ng pawis ang suot niyang gray shirt matapos lumapit sa mga tagahanga sa may barikada—isang eksenang nauwi sa hindi inaasahang intriga.

Sa kabila ng isyu, nananatiling focused si Zack sa kanyang musika at adbokasiyang maging totoo sa sarili—patunay na sa likod ng spotlight, isa rin siyang artistang marunong tumayo, magsalita, at magpaalala na lahat tayo ay tao lamang.