Diskurso PH
Translate the website into your language:

Ayaw Paawat? Willie Revillame, nanermon na naman habang nakaere ang “Wilyonaryo”

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-12-24 21:43:51 Ayaw Paawat? Willie Revillame, nanermon na naman habang nakaere ang “Wilyonaryo”

Usapan na naman sa social media ang muling panenermon ni veteran TV host Willie Revillame sa ere ng bago niyang programang “Wilyonaryo.” Sa halip na good vibes at pa-premyo, stress at sermon ang bumungad sa ilang manonood—at agad itong naging viral.

Sa isang post sa X (dating Twitter) ni Noelle Capili-Ruiz noong Martes, Disyembre 23, ibinahagi ang koleksyon ng video clips kung saan makikitang tahasang sinisita ni Willie ang production staff habang tuloy ang live broadcast.

“Mali ’yong pindot mo na naman. Mamaya mo na patugtugin ’yan. Nape-preempt mo ’yong opening, e. Isulat mo nga, ‘Willie Revillame, papasok. Ito ang music,’” ani Willie, sabay amin na muli na naman siyang nagsesermon sa ere.

Pero hindi roon nagtapos ang lahat. Sa isa pang video clip, mas lalong umigting ang tensyon nang tila magbanta pa ang TV host na papalitan o sisibakin ang kanyang buong staff dahil umano sa paulit-ulit na pagkakamali.

“I’m sorry, ha. Palagay ko, papalitan ko kayo lahat. Sorry, ’di n’yo ginagawa ang trabaho n’yo nang maayos,” diretsahang pahayag ni Willie.

Dagdag pa niya, tila ipinarating ang kanyang galit sa mas mataas na pamunuan:

“TV5, magkikita-kita tayo diyan. Sabi ko sa inyo, e. Ayusin natin.”

Hindi na ito bago sa publiko. Matatandaang ilang beses na ring naging viral ang ganitong mga eksena noong umeere pa ang dati niyang programa na “Wil To Win.” Kaya naman, hati na naman ang opinyon ng netizens—may mga nagsasabing nai-stress sila sa panonood, habang ang iba nama’y nauunawaan ang pagiging perfectionist ng host.

May mga netizen na nagkomento na ramdam daw nila ang tensyon sa studio, na imbes marelaks ay parang sila pa ang napapagalitan habang nanonood sa bahay. “Nakakahawa raw ang stress,” ayon sa ilang reaksyon online.

Sa kabila ng mga batikos, dati nang humingi ng pang-unawa si Willie sa publiko. Sa isang episode ng “Wil To Win” noong Agosto, ipinaliwanag niya ang dahilan ng kanyang pagiging prangka—at minsan, mainitin ang ulo—habang nasa ere.

“Maaaring ’yong iba, hindi ako naiintindihan. Nagagalit ako sa ere, pinapahiya ko ang staff—hindi ho ’yon ’yon. Gusto kong maging maayos ang programang ito. Dapat tama ang gagawin,” paliwanag ng TV host.

Sa ngayon, nananatiling tanong ng marami: hanggang kailan magtitiis ang mga manonood sa on-air sermon ni Kuya Wil? Parte na ba talaga ito ng kanyang tatak bilang host—o panahon na para ibahin ang tono para sa mas magaan na panonood?

Larawan: Wil to win Tv5