Diskurso PH
Translate the website into your language:

Komedyanteng si Kuhol, pumanaw sa edad na 66

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-12-24 08:53:26 Komedyanteng si Kuhol, pumanaw sa edad na 66

Pumanaw na ang beteranong komedyante na si Kuhol, o Doughlas Arthur Supnet sa totoong buhay, nitong Lunes, December 22, 2025. Siya ay 66 taong gulang.

Ayon sa kumpirmasyon ng kanyang pamilya, si Kuhol ay binawian ng buhay dahil sa high-risk pneumonia at mga komplikasyon sa hypothyroidism.

Ang malungkot na balita ay ibinahagi ng kanyang kapatid na si Carol Supnet sa pamamagitan ng isang Facebook post, kung saan inilahad din ang detalye ng burol ng komedyante.

Sa kanyang post, emosyonal na pamamaalam ang iniwan ni Carol para sa kapatid:

“Share your laughter in heaven, Manong Philip… We will miss you our ‘little-big’ brother… We love you… May you rest in peace, Amen.”

Nakalagak ang mga labi ni Kuhol sa Ascension of Our Lord Parish sa Quezon City mula December 23 hanggang 26.

Isang alamat ng tawa

Kilala si Kuhol bilang isa sa mga pinakapamilyar na sidekick comedians noong dekada ’90 at unang bahagi ng 2000s. Minahal siya ng publiko dahil sa kanyang makapal na labi, masayahing ngiti, at natural na komedya na hindi pilit.

Una siyang nakilala sa iconic TV show na “Mongolian Barbecue” noong dekada ’80, kung saan naging sidekick siya ng karakter na Mr. Shooli, na ginampanan ni Jun Urbano.

Kabilang sa mga pelikulang kanyang pinagbidahan ang:

Juan Tamad at Mr. Shooli: Mongolian Barbecue (1991)

Juan & Ted: Wanted (2000)

Matalino Man ang Matsing Naiisahan Din (2000)

Daddy O, Baby O (2000)

Walang Iwanan… Peksman! (2002)

Sa kanyang pagpanaw, iniwan ni Kuhol ang isang pamanang halakhak at alaala ng kasiyahan na patuloy na tatatak sa kasaysayan ng komedya sa Pilipinas.

Larawan: Carol Supnet Facebook