News reporter Nico Waje, umalis na sa GMA Integrated News?
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-12-24 20:53:32
Marami ang nagulat, nagtaka, at napa-“ha?” matapos lumutang ang balitang hindi na umano konektado sa GMA Integrated News ang news reporter na si Nico Waje, na sumikat at nag-viral sa social media dahil sa kanyang mga weather reports noong kasagsagan ng malalakas na bagyo noong Hulyo 2025.
Ang espekulasyon ay nagsimula matapos imbitahan si Nico bilang guest speaker sa Campus Journalism Summit 2025, na ginanap sa Cabuyao, Laguna noong Disyembre 13. Sa nasabing event—na proyekto ng Cabuyao Youth Development Affairs Office—ipinakilala siya sa audience bilang “Former GMA Integrated News Reporter.”
Dahil dito, agad na umingay ang tanong ng marami: Umalis na nga ba si Nico Waje sa GMA?
Lalo pang ikinagulat ng publiko ang naturang introduksyon dahil ilang buwan pa lamang ang nakalilipas nang makilala si Nico bilang isa sa mga bagong mukha ng GMA Integrated News na madalas makita sa field, lalo na sa pagbabalita tungkol sa baha, bagyo, at masamang panahon.
Noong Hulyo 2025, mabilis siyang nag-trend sa social media hindi lang dahil sa kanyang malinaw at diretsong pag-uulat, kundi dahil na rin sa kanyang looks—na ikinilig ng maraming netizens. Dahil dito, tinawag pa siya ng ilan bilang “Reporter-Baby” ng Pilipinas, isang bansag na kalauna’y ginamit na rin sa kanyang pagpapakilala sa campus summit.
Sa kanyang talumpati sa Campus Journalism Summit, ibinahagi ni Nico ang kanyang pananaw tungkol sa tunay na diwa ng journalism. Ayon sa kanya, hindi dapat pera ang pangunahing motibasyon sa pagpili ng propesyong ito.
“If you treat journalism as a service, somehow that will help people na mawaksi ang figures dahil hindi importante ang pera upang makapagsilbi sa bayan,” pahayag ni Nico.
Dagdag pa niya, mas nangingibabaw ang passion kaysa sa pagiging propesyon, lalo na para sa mga estudyanteng nagsisimula pa lamang sa larangan.
“Mas lamang ang pagiging passion nito kaysa sa pagiging propesyon dahil mahirap ang papasukin ninyo sa umpisa. Lahat kayo kailangang magsimula somewhere down,” aniya pa.
Dahil sa kanyang kasikatan, mas naging atento at interesado ang mga kalahok sa summit sa kanyang mga payo at karanasan bilang isang mamamahayag.
Gayunman, hindi pa rin maiwasang magtanong ang publiko kung bakit tila biglaang nawala si Nico sa telebisyon, lalo na’t kasagsagan pa lamang ng kanyang kasikatan nang mangyari ito.
Ayon sa ilang netizens, nakapanghihinayang ang umano’y pag-alis ni Nico sa GMA Integrated News, lalo na’t nagsisimula pa lamang siyang magkaroon ng solid na following at suporta mula sa publiko.
Dagdag pa rito, wala ring inilabas na opisyal na pahayag o pamamaalam si Nico—maging mula sa kanya o mula sa network—kaya lalo pang lumalalim ang haka-haka tungkol sa tunay na estado ng kanyang karera.
Sa kasalukuyan, naka-lock ang kanyang mga social media account, dahilan upang mas lalong mahirapan ang publiko na makakuha ng linaw tungkol sa kanyang sitwasyon.
Hanggang sa ngayon, wala pang kumpirmasyon kung kailan at bakit tuluyang natapos ang ugnayan ni Nico Waje sa GMA Integrated News. Patuloy namang naghihintay ang kanyang mga tagasuporta at netizens ng malinaw na paliwanag mula sa kanya.
Magsasalita na kaya si Nico sa tamang panahon?
Abangan.
