'That’s my gift to myself' — Donnalyn Bartolome, tuluyan nang iiwan ang vlogging
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-12-25 23:00:11
Magbababa na ng camera at magpapaalam na sa mundo ng vlogging ang actress-singer at social media superstar na si Donnalyn Bartolome—isang rebelasyong ikinagulat at ikinalungkot ng milyon-milyon niyang tagahanga.
Sa kanyang latest YouTube upload na may pamagat na “The Gift Reverse,” emosyonal na inanunsiyo ni Donnalyn ang desisyong tuluyan nang itigil ang pagba-vlog matapos ang mahigit isang dekada ng pagbabahagi ng kanyang buhay online.
Ayon sa content creator, dumating na siya sa puntong mas pinili niyang unahin ang sarili—ang kanyang katahimikan, kaligayahan, at pagiging totoo sa sarili—kaysa patuloy na magbigay ng aliw sa publiko kapalit ng personal na kapayapaan.
“I never really asked myself what would really make me happy. And even if I did, the answer to that would be making others happy. It’s still the same,” saad ni Donnalyn.
Hindi raw naging madali ang kanyang desisyon lalo’t mahigit 10 million subscribers ang tumangkilik sa kanyang YouTube channel—isang numero na pinapangarap lang ng karamihan sa creators.
“There’s no easy way to say this, especially to 10 million of you, but I’m saying goodbye to vlogging. That is my gift to myself,” ani Donnalyn habang pilit pinipigilan ang emosyon.
Ibinahagi rin ng aktres na sa kabila ng pagiging bukas niya sa publiko, marami pa ring bahagi ng kanyang pagkatao ang hindi niya kayang ipakita sa camera.
“There are so many things about me that I can’t share to all of you and because of that I can’t be my authentic self. Bits and pieces of me are scattered. You can’t paint the full picture with it,” paliwanag niya.
Sa kabila ng pamamaalam, taos-puso ang pasasalamat ni Donnalyn sa kanyang followers na naging sandigan niya sa loob ng maraming taon—mula sa pagtulong sa kanyang pamilya hanggang sa pagbibigay ng oportunidad sa mga taong malapit sa kanya.
“Because of your support, I was able to help provide for my family, my loved ones, and other people. I was able to share opportunities with everyone around me because of you,” ani pa niya.
Hindi rin nakalimutan ni Donnalyn ang paghingi ng paumanhin sa mga pagkakataong siya ay nadapa at nagkamali.
“Thank you for your forgiveness for the time I slipped and thank you for remembering and celebrating me for the things I did right,” dagdag pa niya.
Bilang huling regalo sa kanyang mga tagahanga, inanunsiyo ng content creator na gagawa pa siya ng huling 10 episodes sa kanyang channel—kung saan ang mismong viewers ang may kontrol sa magiging laman ng bawat vlog.
“So I offer you the last 10 vlogs. The last 10—and you get to choose who or which personality you want to see on the channel and what we’ll do,” pahayag ni Donnalyn.
Bagama’t paalam na sa vlogging, hindi pa tuluyang nagsasara ang pinto para kay Donnalyn Bartolome. Para sa marami, ito ay hindi wakas kundi isang bagong simula—isang tahimik ngunit mas totoo at mas masayang yugto ng kanyang buhay.
