Ex-Miss Universe CEO Anne Jakrajutatip, sinentensiyahan ng 2 taong pagkakakulong—ngunit nasaan na siya?
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-12-27 21:12:54
Usap-usapan ngayon sa international showbiz at business circles ang hatol ng Bangkok South District Court laban kay Anne Jakrajutatip, ang Thai transgender billionaire at dating CEO ng Miss Universe Organization.
Noong Disyembre 26, 2025, hinatulan ng korte si Anne ng dalawang taong pagkakakulong matapos mapatunayang may sala sa kasong fraud na isinampa laban sa kanya ng negosyanteng si Dr. Raweewat Maschamadol. Ayon sa desisyon, agarang ipatutupad ang sentensiya at wala itong suspensiyon.
Batay sa mga dokumento ng korte, inakusahan si Anne ng panlilinlang at maling representasyon matapos umano niyang hikayatin si Maschamadol na mamuhunan sa mga corporate bond ng kanyang kumpanya, ang JKN Global Group Pcl.
Sa pagitan ng Hulyo 24 hanggang Agosto 8, 2023, kumbinsido raw si Maschamadol na ligtas ang investment—kahit pa noon ay may seryoso nang problema sa pananalapi ang JKN at hirap na itong tuparin ang mga obligasyong pinansyal. Umabot sa humigit-kumulang 30 milyong baht o halos US$930,000 ang sinasabing pagkakautang ni Anne at ng kanyang kumpanya sa complainant.
Mas lalong uminit ang isyu nang hindi dumalo si Anne sa araw ng pagbasa ng hatol. Dahil dito, naglabas na ng arrest warrant ang korte noong Nobyembre 25, 2025, binibigyang-diin na ang hindi pagsipot ay indikasyon ng intensyon niyang tumakas sa batas.
Sa gitna ng pananahimik ni Anne, kumalat ang balitang nakalabas na siya ng Thailand at nagtatago umano sa Mexico. Pinaghihinalaang tumulong sa kanya ang Mexican Miss Universe President na si Raul Rocha, bagama’t wala pang opisyal na kumpirmasyon ukol dito.
Hanggang sa ngayon, nananatiling palaisipan sa publiko at sa mga awtoridad kung nasaan na nga ba si Anne Jakrajutatip.
Nakilala sa buong mundo si Anne nang bilhin niya ang Miss Universe Organization noong Oktubre 2022 sa halagang US$20 milyon—isang makasaysayang sandali para sa pageant world. Ngunit mula nang pamunuan niya ang prestihiyosong kompetisyon, sunod-sunod ang kontrobersiya at isyu, kabilang na ang kasong isinampa ni Maschamadol na kalauna’y nagbunsod sa kanyang pagbaba sa puwesto.
Sa kasalukuyan, itinuturing si Anne bilang isang fugitive, habang patuloy na sinusubaybayan ng publiko ang bawat bagong detalye sa kanyang kinaroroonan at sa magiging kahihinatnan ng isa sa pinakamalalaking showbiz-business scandals ng mga nakaraang taon.
Abangan ang mga susunod na update sa isa sa pinaka-mainit na international showbiz stories ngayon.
