Jimmy Regino ng April Boys pumanaw na; kapatid na si Vingo emosyonal sa pamamaalam
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-12-27 21:27:54
Nagluluksa ang mundo ng OPM matapos kumpirmahin ang pagpanaw ni Jimmy Regino, isa sa mga bumuo ng grupong April Boys. Siya ay 57 taong gulang.
Sa isang madamdaming video na ibinahagi sa Facebook, personal na kinumpirma ng kapatid niyang si Vingo Regino ang masaklap na balita. Halos hindi makapagsalita si Vingo habang inaalala ang mga alaala nila ni Jimmy at ang hirap ng pamamaalam.
“Sa lahat po ng fans ng April Boys, ibinabalita ko po sa inyo na pumanaw na ang kapatid ko na si Jimmy. Hindi na natin maririnig ang boses niya,” emosyonal na pahayag ni Vingo.
Ayon pa sa kanya, matagal na umanong naka-confine si Jimmy sa ospital at tila “hinihintay” lamang ang huling pagkikita nila bago ito tuluyang mamaalam.
“Kahapon pa ako umiiyak… hindi ko malaman kung ano ang nararamdaman ko ngayon,” dagdag pa niya.
Hindi napigilang mag-throwback ni Vingo sa mga kantang nagbigay-kulay sa kanilang samahan bilang magkakapatid at bilang grupo. Nabanggit niya ang mga liriko ng “Ganyan Talaga ang Pag-ibig,” na ngayo’y mas tumatama sa kanyang damdamin.
“Totoo ‘yung lyrics—kapag naisip ko, nalulungkot ako,” ani niya.
Binubuo ang April Boys noong 1993 at naging bahagi sila ng soundtrack ng maraming pag-ibig at kabiguan sa dekada ’90. Ilan sa mga kantang minahal ng fans ay “Honey My Love (So Sweet),” “Ikaw Pa Rin Ang Mamahalin,” “Sana Ay Mahalin Mo Rin Ako,” “Tunay Na Pag-ibig,” at “Pag-Ibig Kong Litong-Lito.”
Noong 1995, nagsolo ang OPM icon na si April Boy Regino, kaya sina Vingo at Jimmy ang nagpatuloy sa pangalang April Boys—isang yugtong nagpatibay pa sa kanilang samahan bilang magkapatid at musikero.
Sa pamamaalam, iisa ang mensahe ni Vingo: pasasalamat sa walang sawang suporta ng fans at pag-alala sa musika at alaala ni Jimmy.
“Mahal na mahal ko ang kapatid ko. Mahirap mawalan ng mahal sa buhay. Isa na namang April Boys ang nawala sa atin.”
Paalam, Jimmy Regino. Mananatili ang iyong boses at mga awitin sa puso ng OPM fans.
